INAMIN ni House Committee on Appropriations Vice Chairman Maria Carmen Zamora na hindi pa maaaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang P3.757 trillion 2019 national budget sa pagbubukas ng sesyon matapos ang Undas break.
Paliwanag ni Zamora, marami pang amendments ang inaayos ng itinatag na small committee para trumabaho sa mga amyendang ipinapasok sa pambansang pondo.
Nag-ugat ang pagkaantala sa pag-apruba sa 2019 budget sa realignment sa naisingit na kuwestiyonableng P52 billion sa pambansang pondo.
Ang P52-B ay naikalat na sa iba’t ibang programa ng mga ahensiya tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Deparment of Health (DOH), Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepEd) at Department of Agriculture (DA).
Target ng komite na matapos ang lahat ng amendments sa budget ngayong linggo.
Inaasahan naman na sa ikatlong linggo ng Nobyembre ay maaaprubahan na sa huling pagbasa ang 2019 budget.
Tiniyak naman ni House Majority Leader Rolando Andaya na mapipirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pambansang pondo para sa susunod na taon bago matapos ang Disyembre. CONDE BATAC
Comments are closed.