P50-B INVESTMENT SA MAYNILA

AYALA-2

TINATAYANG P50 billion na investment ang ipapasok ng Ayala Group of Companies sa pamahalaang lokal ng Maynila para sa mga ikakasang proyekto na mapakikinabangan ng mahihirap na Manilenyo.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ito ang kauna-unahang pagkakataon na bumisita ang Ayala Group of Companies sa pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Fernando Zobel de Ayala.

Si Fernando Zobel de Ayala ay ang President and  Chief Operating Officer ng Ayala Corporation simula 2006.

Sa kanilang pag-uusap, sinabi ng alkalde na bahagi ng ilalagak na bilyong-bilyong investment ng Ayala sa Maynila ang pag-tatayo ng karugtong ng LRT 2.

Aniya, mula sa Recto Station ay durugtungan ang LRT 2 hanggang Pier 4.

Bukod dito, magtatayo rin ng  BPO o Bussiness Process Outsourcing sa Maynila at Grand Central sa Tutuban kung saan mag-sisilbi itong sentro ng  lahat ng interconnecting roads  gaya ng biyaheng Tutuban-Malolos train, Malolos-Clark,  Tutuban-Bicol  at LRT.

Ibinida naman ni Moreno na ang pag-i-invest ng Ayala sa Maynila ay dahil na rin sa malaking pagbabago sa kaayusan, kalini-san at kaluwagan ng mga kalsada  sa Recto, Dagupan at Juan Luna kaya naman nagbabalik na, aniya, ang komersiyo sa lungsod.

Dagdag pa ng alkalde, bago idisenyo ng Ayala  ang proyekto ay hini­ling muna ang kanyang consent na agad naman niyang pi-nahintulutan. Gayunman, hiniling niya na ang kukuning mga empleyado ay mga taga-Maynila.

Agad naman aniyang sumang-ayon  si Fernando Zobel de Ayala kaya naman ikinagagalak ng alkalde ang napakalaking proyekto na nakatakdang itayo sa lungsod.

Binigyang-diin ni Moreno na ang mga magagandang oportunidad at proyekto ay bunga ng kanyang pag-iikot ng isang buwan sa conglomerate o sa lahat ng malala­king kompanya  upang muling mag-invest sa lungsod. PAUL ROLDAN

Comments are closed.