P500 NA PANTAWID KURYENTE

ITINUTULAK ng isang kongresista ang pagpapatupad ng Pantawid Kuryente Program sa gitna ng implementasyon ng Tax Reform for Acceleration Inclusion (TRAIN) law.

Ayon kay 1-CARE Partylist Rep. Carlos Roman Uybarreta, kung may Pantawid Pasada bilang ayuda sa mga driver ng pampasaherong jeep, higit na napapanahon ngayon ang Pantawid Kuryente lalo pa’t tumaas din ang singil sa kuryente.

Inirekomenda ng mambabatas ang pagbibigay ng P500 na pantawid kur­yente para sa mga mahihirap na pamilya, lalo na ang mga nasa liblib na lugar.

Aniya, dahil fuel based ang pinagkukunan ng kur­yente ay apektado ito ng TRAIN law.

Iminungkahi na noon ng 1-CARE na idagdag sa 4Ps ang Pantawid Kuryente pero mas pabor na silang idiretso na lamang ang pondo sa distribution utilities para tiyak na maibabayad sa kuryente.

Samantala, iginiit ni Uybarreta at ng ilang kongresista na huwag munang suspendihin ang implementasyon ng TRAIN law.

Ayon kina Uybarreta at Surigao Del Norte Cong. Robert Ace Barbers, dapat na bigyan muna ng panahon na maipatupad nang husto ang TRAIN law.

Paliwanag ni Barbers, wala pang isang taon nang maipatupad ang TRAIN at hindi makatuwirang husgahan ang batas dahil dumaan naman ito sa pag-aaral ng Kongreso.

Sinabi naman ni Uybarreta na may ibang salik na nakaaapekto sa pagtataas ng presyo ng bilihin, langis at serbisyo na hindi kontrolado ng gobyerno.

Dagdag pa ni Uybarreta, hindi dapat mangamba ang publiko dahil mayroon  namang safety net sa TRAIN law kung saan isususpinde ang excise tax sa produktong ­petrolyo kapag pumalo ang ­presyo nito sa $80 per barrel sa loob ng tatlong  magkakasunod na buwan. CONDE BATAC

Comments are closed.