NOTHING wrong.
Ito ang tugon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa pagbatikos ni Senador Panfilo Lacson sa planong pagsama sa biyahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Israel ng mga magreretirong heneral.
Ayon kay Roque, wala siyang nakikitang mali sa planong pagsama sa biyahe ng mga magreretirong military at police officials na gagastusan ng gobyerno.
“Sa pagkakaalam ko po ngayon, they are still active members of the military, so it will be the government who will spend for it,” ani Roque.
Sa ambush interview noong Lunes, inihayag ni Pangulong Duterte na isasama niya sa kanyang biyahe sa Israel ang ilang magreretirong heneral bilang regalo sa kanilang mahusay na pagsisilbi sa bayan.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Duterte na nagdadalawang isip siya na tumuloy sa biyahe sa Israel sa Setyembre 2-5 dahil sa magiging gastos nito.
Nang tanungin si Roque kung paano pagtutugmain ang sinasabi ni Pangulong Duterte na pagdadalawang isip sa pagbiyahe at planong isama ang mga military at police officials, sinabi niyang “it’s always cost benefit. The benefit outweighs the cost.”
Sinabi ni Lacson na ang presidential trip sa ibang bansa ay dapat na may layunin maliban sa paghahandog lamang bilang regalo.
“The reason is plain as it is simple – government officials are always expected to serve their best,” sabi ni Lacson.
Iginiit pa ng senador na ang mga karapat dapat na military at police ay maaaring bigyan ng gantimpala sa pamamagitan ng promosyon, pagkilala at maaaring tapik lamang sa balikat.
Matapos ang biyahe sa Israel ay tutuloy si Pangulong Duterte sa Jordan. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.