“BAKIT hindi tayo makapaghintay”.
Ito ang iginiit ni Pesidential Spokesman Salvador Panelo kaugnay sa kabiguang maisapubliko ang Statement of Asset, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“The Ombudsman says you wait, I’m doing my guidelines, bakit hindi tayo makapaghintay,” wika ni Panelo
Sa ginanap na press briefing ay sinabi ni Panelo na ipinauubaya na ng Malakanyang sa Office of the Ombudsman kung ilalabas nito ang 2018 SALN ng Pangulo.
Nanindigan si Panelo na isinumite na ni Pangulong Duterte ang kanyang SALN sa Office of the Ombudsman gaya ng nakasaad sa batas.
“If the President is hiding anything, he should not have filed it,” sabi ni Panelo.
“The law requires the filing of SALN and the repository of records is the Ombudsman. So nasa Ombudsman yun,” dagdag pa ng presidential spokesman.
Ang Ombudsman ang custodian ng SALN ng pangulo, pangalawang Pangulo, senior officials at star-rank military at police officials batay sa Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Binigyang-diin ni Panelo na maituturing nang transparency ang ginawang paghahain ng SALN ng Pangulo taliwas sa kritisismo na tumatanggi umano ang Pangulo na isapubliko ang kanyang SALN.
Patunay aniya ito na walang itinatago ang Pangulo kaugnay sa kanyang yaman at mga ari-arian.
Naniniwala si Panelo na hindi naman kailangang sundin ni Pangulong Duterte ang ginawa ng mga dating Pangulo ng bansa sa pagsasapubliko ng kani-kanilang SALN dahil iba ang style ng Punong Ehekutibo.
Base sa report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), ito ang kauna-unahang pagkakataon na hindi inilabas ng Pangulo ng bansa ang kanyang SALN.
Ayon pa sa report, lahat ng mga sinundang Pangulo ni Pangulong Duterte ay naglabas ng kanilang taunang SALN sa pamamagitan ng Office of the President o ‘di kaya sa Office of the Ombudsman. EVELYN QUIROZ