NANAWAGAN kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang ilang lider ng Ahon sa Kahirapan (ASK) Movement na binubuo ng mga kasapi ng Kabus Padatuon (KAPA) Community Ministry International Inc. na pag-aralan muna ang kanilang samahan bago ito tuluyang ipasara.
Sinabi ni Danny Mangahas, convenor ng ASK na lehitimo at hindi bogus ang KAPA taliwas sa ipinapalabas ng ilang negosyanteng nakabase sa Mindanao.
Nilinaw na hindi ito pyramiding scam kundi isang religious group o ministeryo na nagiging katuwang ng pamahalaan para tugunan ang mga pangangailangan ng mahihirap sa bansa.
Depensa naman ni Pastor Raddy Umandac ng KAPA na nakabase sa Taytay, Rizal na ang kanilang ministeryo ay naaayon lahat sa salita ng Diyos at hindi isang investment scam.
Sa loob umano ng tatlong taon simula nang kanilang naparehistro ang kanilang ministry sa Securities and Exchange Commis-sion (SEC), marami ng mga miyembro na karaniwan ay overseas Filipino workers (OFWs) ang kanilang natulungan na umangat ang kanilang mga buhay.
Ito ay sa pamamagitan ng donasyon ng mga kasapi kung saan napag-alamang 30 porsiyento ng donasyon ay naibabalik kada buwan sa kanilang mga miyembro na kanilang tinatawag na “blessing” mula sa kanilang simbahan.
Nilinaw din ng grupo na sila mismo ang nagkusa na pansamantalang ipasara ang kanilang ministry sa buong bansa bunsod ng naturang isyu.
Kinuwestiyon naman ni Pastor Joewie Argate ang ginawa ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na magpalabas ng freeze order sa assets ng kanilang ministry kasunod ng naganap na kontrobersiya. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.