PANUKALANG P5.024-T 2022 NATIONAL BUDGET POSIBLENG LUMUSOT SA SENADO SA NOB. 25

TULOY-TULOY ang pagbusisi ng Senado sa panukalang P5.024 trilyong 2022 national budget at umaasa tayo na lulusot ito sa ikatlo at huling pagbasa ng plenaryo sa Nobyembre 25.

Sa pamamagitan nito, mabibigyan ng sapat na pagkakataon ang dalawang sangay ng Kongreso, ang Senado at ang Mababang Kapulungan, na ayusin ang pinal na bersiyon ng national budget at maipadala sa Tanggapan ng Pangulo para mapirmahan bago mag-Pasko kung saan nakatakdang mag-recess ang sesyon.

Sisiguruhin po natin, bilang tayo ang chairman ng Senate Committee on Finance, at sponsor ng proposed national budget na hindi gagalaw ang gobyerno sa susunod na taon sa ilalim ng reenacted budget. Negatibo ang magiging dating nito sa mahahalagang programa at proyekto ng gobyerno partikular sa ating COVID response.

Kapag po kasi natapos natin sa Senado ang pagdinig sa budget sa Nobyembre 25, puwedeng magsimula ang pagplantsa sa mga ‘di magkakatugmang probisyon sa pagitan ng Senado at ng Kamara. Puwedeng maganap ang bicameral conference committee meetings mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 2 taong kasalukuyan.

Tungkol po sa kontrobersiyal na budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC, sila po ay binigyan ng komite ng mahaba-habang araw upang maipakita ang mga hinihingi nating dokumento na magpapatibay sa kanilang mga sinasabing naipatupad ng proyekto at programa sa mga lugar na dating dumanas ng krisis sa ilalim ng terorismo at insurhensya.

Hindi po natin agad na maaprubahan ang kanilang hinihinging P28 bilyong pondo dahil nabigo po ang NTF-ELCAC na maibigay sa aming komite ang mga kinakailangang patunay na nailagak sa tamang mga proyekto ang kanilang budget.

Kasi po, base sa aming pagbusisi, bukod sa pondong inilaan sa DILG, may P2.3 bilyon ding ikinalat sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform at Technical Education and Skills Development Authority o TESDA. Marami po sa mga kasamahan nating lehislador ang nakaamoy ng ‘di maganda sa pagkalat ng pondong ito.

Hinggil naman sa panukalang i-realign ang tinatayang P2-B MOOE sa imprastraktura, mukhang mainam ito dahil makikita ng publiko na umuunlad ang kani-kanilang lugar dahil sa mga proyekto.

Pero para magkalinawan tayo rito, kami naman sa Senado, ang inyong lingkod at ang mga kasamahan natin, pinag-iisipan pa rin naman naming mabuti ang tungkol sa pag-reconsider sa pondo ng NTF-ELCAC basta maipakita lamang nila ang mga hinihingi naming patunay at dokumento tungkol sa kanilang mga nagawa at patuloy na ginagawang mga proyekto.

Tayo naman po, bilang pagliliwanag, hindi naman natin hinahangad ang abolisyon ng NTF-ELCAC. Hindi naman ganyan ang ibig nating sabihin sa ating istriktong pagbusisi sa kanilang pondo. Ang gusto lang natin dito, pormal at opisyal na ulat ang ibigay sa amin upang mapatunayan ang kanilang mga nagawa at maipakita kung paano nila ginastos ang mga nakuha nilang pondo ngayong taon.

Mahigit P19 bilyon po kasi ang ibinigay na pondo ng gobyerno sa NTF-ELCAC ngayon taon, pero hindi po sapat ang kanilang mga ebidensiya na nagastos nila na tama ang budget na ‘yan,

Ang sa atin po, hindi natin hinuhusgahan ang task force na ito. Ang sa atin lang, ‘yung may pruweba tayo ng proyekto.

Noong 2020, dahil bago pa lang po ang NTF, binigyan lamang natin sila ng P1 bilyong national budget at lumaki ‘yun nitong 2021 budget dahil nga sa mga panukalang pagpapaunlad sa mga maralitang barangay at pagkontrol sa insurhensiya na nagpapahirap sa mga lugar na ito.

Maganda naman po ‘yung ideya na gawing progresibo ang mahihirap na lugar at mga nugnog na barangay, dahil sa ganitong paraan mapuputol ang pag-usbong ng rebelyon dahil sa pakikianib ng mga kababayan natin sa mga kontra-gobyernong organisasyon dahil sa pakiramdam nila, iniiwan na sila ng pamahalaan at hinahayaan na lang na maghirap sa habang  panahon.