PAYONG PANGKALIGTASAN SA PAGMAMANEHO

patnubay ng driver

GOOD day, mga kapasada!

May tatlong pormula na inilatag ang Land Transportation Office (LTO)para sa kaligtasan ng  mga motorista maging sa pribadong  o sa panig ng pamahalaan.

Puna ng mga motoring expert, kailangan talaga ng milyon-milyong tao sa ngayon na magmaneho kahit peligroso.

Tinatayang humigit kumulang sa 1,200,000 katao sa buong mundo ang namamatay sa mga aksidente sa sasakyan!

Aba, sa ganitong kaganapan, lubhang ikinabahala ng mga expert sa road traffic ang  ganitong estadestika,  kabilang ang bansa natin sa buong daigdig.

Ito ang dahilan kaya naman mahalagang matutunan natin kung papaano magmaneho nang maingat.

TATLONG KONSEPTO SA PAG-IINGAT SA PAGMAMANEHO

Sa pakikipanayam sa isang traffic expert mula sa LTO, may tatlong mahahalagang konsepto na dapat isaalang-alang ang isang drayber para malayo sa road accidents na ang end result ay hospital, sementeryo, kulungan sa kasong reckless imprudence at damage to property.

Kabilang sa mga konseptong ito ang tatlong K  na pormula:

– Tiyaking nasa kondisyon ka.

– Tiyaking may kasanayan ka

– Tiyaking nasa kondisyon ang sasakyan.

  1. TIYAKING NASA KONDISYON KA

Iniulat ng Australian Journal of Social Issues na ang isa sa pinakamahalagang hakbang na maaaring magawa ng isang drayber para maiwasan ang kasawian bunga ng aksidente ay ang pagtataglay sa sarili ng tamang disposisyon habang  nagmamaneho.

Kaya bago lumarga sa paggulong sa mahabang lansangan, makabubuting tanungin ang sarili kung nasa kondisyon ba ang kanyang sarili para sumuong sa pagmamaneho lalo’t kung  isasaalanglang ang buhol ng trapik, ang lubak-lubak na lansangan at ang maalinsangang init ng araw.

Ayon sa  Land Transportation Office (LTO), ang pagmamaneho rito sa Filipinas, ‘di tulad sa ibang bansa, ang galit, kabalisahan, at pagiging excited ay mga emosyong nakapagdudulot ng masamang  epekto sa pagmamaneho at puwedenang mauwi sa ‘di wastong pagpapasiya na kung minsan ay may kaakibat na karahasan.

Idinagdag ng LTO na dapat ding bigyang halaga ang pisikal na kondisyon ng isa dahil may ilang sakit o pinsala sa kalusugan na nakaaapekto sa pagmamaneho.

Ang isang drayber na may paggalang sa buhay ng iba ay hindi dapat magmaneho nang nakainom ng anumang inuming nakalalasing o droga na kapag ininom ay nagdudulot ng pagkabalisa at pagkaantok na nagsasapanganib sa buhay ng drayber at ng mga pedestrian.

Sa ganitong kondisyon na sumasapi sa katauhan ng isang drayber ay makabubuti, ayon sa LTO, na humanap ng isang ligtas na pook upang iparada ang sasakyan tulad ng gasoline station, parke na ligtas sa aksidente at magpahingang sumandali saka bumalik sa lansangan kung humulaw na ang nakalilitong kaisipan.

  1. TIYAKING MAY KASANAYAN KA

Plain and simple ang ikalawang pormula, ayob sa LTO.  Habang dumarami ang mga sasakyan, partikular na sa papaunlad na mga bansa,  kabilang na rito ang Pilipinas, ay dumarami rin ang mga baguhang drayber na walang gasinong pagsasanay o karanasan sa pagmamaneho.

Kaugnay nito, ipinayo ng LTO sa mga enterprising driver na kung maaari,  makabubuting isaalang-alang ang dalawang bagay para makaiwas sa unforeseen accidents (di inaasahang aksidente), tulad ng:

  1. Maging Alerto – Mag-ingat sa mga hindi inaasahang panganib na daratal habang nagmamaneho sa kalsada sa iyong harapan at likuran at maging alisto sa maaaring gawin ng ibang drayber – pati na ang posibleng maging mga pagkakamali nila.

Karamihan sa mga banggaan ay resulta ng pagtutok kaya ang isang matalinong drayber ay iwas-pusoy o nagbibigay ng sapat na distansiya sa kanyang sinusundang sasakyan.

  1. Mag-ingat sa mga blind spot at mga panggagambala – Iwasan at huwag umasa sa salamin lang. Lumingon para makita ang nangyayari sa paligid mo.

Iwasan ang gumawa ng kung ano-ano habang nagmamaneho -nakagagambala ang pakikipag-usap sa telepono o ang paggamit ng ibang mga gadyet tulad ng CP at kauring bagay.

  1. Kung nagmomotorsiklo ka – Lumitaw sa estadistika ng ilang ahensiya sa transportasyon na kada kilometro, 37 ulit na mas malamang na mamatay sa aksidente ang mga nagmomotorsiklo kaysa mga nakasakay sa tradisyunal na sasakyan tulad ng kotse at mga kauring sasakyan.

Papaano ka mag-iingat?  May dalawang hakbang na nabanggit na makatutulong din sa mga nagmomotorsklo.  Ang payo ay siya ring himaton ng Motorcycle Safe Foundation ng United States tulad ng tiyakin na :

  1. nakikita ka – tiyaking lagi kang nakikita ng ibang motorista. Dapat na naka-on ang iyong headlight.
  2. mag-suot ng angkop na damit – mag-suot ng helmet at makapal na damit na madaling makita sa dilim para magsilbing proteksiyon.
  3. maging alertong-alerto – laging isasaisip na ang ibang mga drayber ay walang pakialam sa mundo. Huwag kalilimutan ang maling kaisipan na hindi ka nakikita ng iba, at mag-ingat sa pagmamaneho.

III. TIYAKING NASA KONDISYON ANG SASAKYAN

Binigyang-diin ng LTO na dapat maging maingat ang drayber, at lalong kailangang nasa kondisyon  ang minamanehong sasakyan.

Dapat na maayos ang preno pati na ang lahat ng mahahalagangbahagi ng sasakyan.Tiyakin na hindi pudpod ang gulong para hindi dumulas o kumabig  ang gulong ng sasakyan kapag basa ang kalsada.

Tiyakin na may sapat na hangin ang gulong (air pressure) para mas madaling kontrolin at ipreno ang sasakyan.

Karamihan ng mga sasakyan ngayon ay may mga seat belt ngunit mawawalan ito ng kabuluhan kung hindi gagamitin .

Bigyang halaga ang kondisyon ng lansangan.  Mahirap magpreno at kontrolin ang sasakyan kapag basa ang kalsada lalo na sapanahon ngayong walang pinipiling panahon ang biglang pagbuhos ng ulan.

Kapag nagmamaneho  sa gabi, tiyakin na gumaganang mabuti ang headlight at dapat bagalan ang pagpapatakbo at iwasan ang pabigla-biglang pagtapak sa pedal ng preno.

Panawagan ng LTO sa mga drayber na unawaing mabuti ang mga pormulang kanilang inilatag para na rin sa kanilang kapakanan at kaligtasan sa sakuna.

ANTI-BASTOS LAW SUPORTADO NG MMDA

Nagpahayag na labis na pagsuporta ang Metropolitan Development Authority (MMDA) sa implementasyon ng Republic Act 11313 na lalong kilala bilang Anti-Bastos Law o ang Safety Spaces Act.

Ipinahayag ni MMDA Chairman Danilo Lim on the signing of its implementing rules and regulations na titiyakin ng MMDA bilang bahagi ng implementing body ang wagas  at epektibong pagpapatupad nito.

Ayon kay Lim , ang MMDA bilang isa sa mga nagtutulak for a smart and sustainable Metro Manila, titiyakin din nila na magigingkaaya-aya at ligtas ang mga naninirahan saKalakhang Maynila.

May paniniwala si Lim na sa pagkakasabatasng Safe Spaces Act, ang bawat isa ay may katiwasayang maglakad nang ligtas sa mga lansangan tulad ng pagpasok sa paaralan at sa pinapasukang trabaho nang walang sagabal na pisikal.

Ang Safe Spaces Act, ayon kay Lim, ay napakahalaga at napapanahong batas na lulutas sa lahat ng uri ng sexual harassment sa lahat ng kasarian.

PANAWAGAN NG COMMUTER GROUP

Isang commuters group ang nanawagan sa Technical Working Group ng Land Transportation Franchising and  Regulatory Board (TWG-LTFRB) na pagtuunan ng ibayong pansin ang 200,000 habal-habal sa buong bansa.

Ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commutets Safety and Protection (LCSP), huwag nang problemahin pa ang operasyon ng 65,000 motor taxi na kasama sa pilot program ng TWG ng LTFRB.

Sa isang panayam, sinabi ni Inton na nakasaad sa Republic Act 4136 o ang Land Transportation Traffic Code (LTFC) na dapat na tanggapin ng ahensiya ang lahat ng motorcycle para irehistro.

Subalit sa kabila nito, nakasama ang mga habal-habal sa pilot program ng TWG, lumalabas na ang mga ito ay nasa estadong kolorum na lahat kaya hindi ito dapat gawing public utility vehicle (PUV).

MGA DAPAT GAWIN NG PEDESTRIAN SA PAGTAWID

Nagbabala ang LTO  sa mga pasaway na drayber na bigyan ng wastong atensiyon ang mga tumatawid, lalo na ang mga batang mag-aaral, mga senior citizen at mga may kapansanan.

Ayon sa LTO, ang sino mang lalabag sa mga ipinagbabawal ay papatawan ng karampatang multa at parusa para sila ay mabigyan ng disiplina sa kanilang paggulong sa mga lansangan para maghanapbuhay.

Sa kabilang dako, binigyan naman ng paalaala ang mga pedestrian upang sila ay malayo sa pagiging biktima ng mga pasaway na drayber tulad ng:

  1. Hintayin ang berdeng ilaw ng trapiko na sumindi bago tumawid.
  2. Kung walang ilaw-trapiko sa daang tatawiran, tiyakin lamang na walang dumarating na sasakyan. Sumenyas sa drayber sa pamamagitan ng kamay bago tumawid.
  3. Huwag tatawid sa mga daan na hindi itinakdang tawiran, lalo na sa mga highway kung saan mabilis ang takbo ng mga sasakyan.
  4. Kung may bitbitin sa pagtawid, tiyakin na hindi ito malalaglag habang tumatawid sapagkat delikado ito dahil maaaring abutan ng pulang ilaw na hudyat ng paglakad ng mga sasakyan. Bukod dito ay makaaantala ito sa takbong daloy ng trapko.

LAGING TATANDAAN: UMIWAS SA AKSIDENTE UPANG BUHAY AY BUMUTI.

HAPPY MOTORING!

Comments are closed.