MATIKAS na sinimulan ng Purefoods TJ Titans at Platinum Karaoke ang kanilang kampanya sa PBA 3×3 Lakas Ng Tatlo makaraang dispatsahin ang kani-kanilang katunggali Sabado sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Pinataob ng Titans ang Limitless Appmasters, 21-9, sa una sa 17-game schedule sa unang araw ng maiden leg ng torneo.
Tumipa si Val Acuna ng 8 points at nagdagdag si Joseph Eriobu ng 6 para pangunahan ang atake ng Titans.
Sinamahan ng Platinum Karaoke ang Purefoods sa ibabaw ng Pool A matapos na madominahan ang kapwa guest team Zamboanga Valientes, 21-7.
Nanguna si Chris De Chavez na may 13 points at nag-ambag si JR Alabanza ng 6 sa runaway win na nagbigay-diin sa taguri sa Platinum Karaoke bilang ‘team to beat’ sa torneo.
Ang magkahiwalay na panalo ay naglagay sa Purefoods at Platinum sa maagang liderato sa Pool A para lumaki ang tsansang makasambot ng puwesto sa knockout stage sa Linggo.
Kalaunan ay ginawang three-way tie ng TnT Tropang Giga ang liderato sa Pool A sa pamamagitan ng 21-1 panalo kontra Limitless, sa likod ng 12 points ni Almond Vosotros.
Nalasap ng Appmasters ang kanilang ikalawang sunod na pagkabigo.
Sa aksiyon sa Pool B, naging mainit din ang simula ng Barangay Ginebra sa likod ni Denice Villamor upang pataubin ang Sista Super Sealers, 21-16.
Tumapos si Villamor na may 9 points para sa Kings, na nakakuha rin ng anim kay Jolo Go at apat kay Mikey Cabahug.
Magpapatuloy ang eliminations ngayong Linggo na may limang laro pa bago ang knockout stage.
Ang top three teams sa Pool A at top two sa Pools B at C ay uusad sa playoffs.
Sa playoffs ay maghaharap ang no. 3 team sa Pool B sa no. 3 team sa Pool C para sa eighth at final quarterfinals slot. CLYDE MARIANO