WALONG koponan, kabilang ang pitong school-based squads, ang lalahok sa 2022 PBA D-League Aspirants’ Cup na magsisimula sa susunod na linggo.
Pangungunahan ng NCAA champion Letran at NAASCU titlist St. Clare College ang mga koponan sa pagbabalik ng developmental league matapos ang dalawang taong pahinga dahil sa COVID-19 pandemic.
Sasandal ang Letran kina NCAA MVP Rhenz Abando at veteran guard Fran Yu, habang sasandig ang St. Clare kay NAASCU MVP Johnsherick Estrada.
Limang iba pang varsity teams ang makakasagupa ng dalawang champions — La Salle, UST, San Sebastian, Centro Escolar University at AMA Online Education. Sasabak din ang club team Marinerong Pilipino.
Nakatakdang makipagpulong si PBA deputy commissioner Eric Castro sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan, kay Commission on Higher Education (CHED) sports development and management unit lead Ana Dulce Yango at Dr. Jesucito M. Garcia ng Games and Amusements Board (GAB) para masiguro ang maayos na pagdaraos ng mga laro.
Gaganapin ang mga laro tuwing Martes sa Ynares Sports Arena sa Pasig, at Huwebes at Sabado ng umaga sa Smart Araneta Coliseum.