PEMBERTON BINIGYAN NG ABSOLUTE PARDON NI DUTERTE

Harry Roque

PINAGKALOOBAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque makaraang mag tweet si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. kaugnay sa pagbibigay ng absolute pardon sa American serviceman.

Nahatulang guilty ng Olongapo Regional Trial Court sa kasong homicide si Pemberton sa pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude noong 2014  at pinatawan ng anim hanggang sampung taong pagkabilanggo.

Ayon kay Roque, dahil absolute pardon ang ibinigay ni Pangulong Duterte, maaring umuwi na sa kanilang bansa sa Amerika si Pemberton.

“Pwede na po siyang umuwi dahil meron na po siyang pardon,” pahayag ni Roque.

“Ibig sabihin po niyan, makalalaya na si Pemberton, wala na pong issue kung siya ay entitled sa GCTA, wala na pong issue kung applicable sa kanya yung batas dahil hindi siya nakulong sa national penitentiary. Binura na po ng Presidente kung ano pa ‘yung parusa na dapat ipapataw kay Pemberton,” pahayag ni Roque.

Pero bagamat binigyan ng pardon, iginiit ni Roque na hindi naman mabubura ang katotohanan na convicted si Pemberton sa pagpatay kay Laude.

“Ang’ di po nabura ng Presidente, yung conviction ni Pemberton, mamatay-tao pa rin po siya, pero kung ano yung karagdagang parusa pa, binura na ng Presidente,” pahayag ni Roque.

Hindi rin aniya dapat na kwestyunin pa ang desisyon ng Pangulo dahil saklaw ito ng kanyang kapangyarihan.

“Hindi na po kinakailangang bigyang dahilan ng Presidente yan dahil ‘yung pag grant po ng pardon at parole,’ yan naman po ang ating sinasabi na hindi po yan katungkulan ng Hudikatura, kung ‘di katungkulan ng Ehekutibo. Yan ay one of the most presidential of all presidential powers, the grant of pardon and parole,” pahayag ni Roque. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.