HANGZHOU – Bigo si Olympic silver medalist Nesthy Petecio na makaulit laban kay Lin Yu Ting ng Chinese Taipei upang maagang masibak sa 19th Asian Games nitong Biyernes sa Hangzhou gymnasium.
Ginamit ni Lin ang kanyang height at reach advantage upang maitala ang 4-1 panalo at kunin ang isang puwesto sa quarterfinals ng women’s 57-kg class.
Dalawang taon na ang nakalilipas, tinalo ni Petecio, 31, ang 5-foot-9 Chinese Taipei fighter, 3-2, sa Round of 16 ng
2020 Tokyo Olympics, kung saan nagwagi ang tubong Davao Del Sur ng silver medal.
Sa pagkakataong ito, hindi ito para sa kanya.
“ Nag-unahan kami kung sino ang makakakuha ng saktong style. At naunahan niya talaga ako,” sabi ni Petecio, na maluwag na tinanggap ang pagkatalo.
Sa pagkatalo ay nabigo si Petecio sa kanyang unang pagtatangka na makuha ang return ticket sa Olympics na gaganapin sa Paris sa susunod na taon dahil ang quadrennial showcase ay nagsisilbing qualifier sa Olympiad.
Ngayon ay kailangan niyang dumaan at lumahok sa World Championship sa pag-asang makapasok sa Paris Games.
“Hindi pa tayo tapos,” pangako ni Petecio.
Sa pagkakasibak ni Petecio ay natapos na rin ang kampanya ng women’s team sa Asiad.
Bukod kay Petecio, ang iba pang nabigong umabante ay kinabibilangan nina fellow Olympian Irish Magno, Aira Villegas, Aaron Jude Bado, Mark Ashley Fajardo, at Marjon Pianar.
CLYDE MARIANO