(Pinaboran ng DTI) GRADUAL SHIFT SA ALERT LEVEL 1

DTI Undersecretary Ruth Castelo-3

SINUPORTAHAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga panawagan na ibaba ang quarantine status ng bansa sa Alert Level 1 para mas maraming negosyo ang magbukas sa gitna ng bumababang mga bagong kaso ng COVID-19.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na kung ibababa ang bansa sa Alert Level 1 ay kailangang gawin ito nang dahan-dahan dahil nananatili pa rin ang banta ng virus.

“Kung mag-Alert Level 1 tayo, na gusto din ni (DTI) Sec. Mon (Lopez) na mangyari pero dahan-dahan lang, nandiyan pa rin ‘yung virus. So, kailangan pa rin nating sundin lahat ng health protocols,” sabi ni Castelo.

Ang National Capital Region (NCR) at ilang lalawigan ay kasalukuyang nasa ilalim ng  Alert Level 2 mula February 1 hanggang 15.

Sa ilalim ng Alert Level 2, ilang establishments at activities ang pinapayagan sa 50% capacity indoors para sa fully vaccinated adults at minors, at 70% capacity outdoors, kahit hindi bakunado.

Samantala, sa ilalim ng Alert Level 1, lahat ng establishments, persons, o activities ay pinapayagang mag-operate, magtrabaho o isagawa sa full on-site o venue/seating capacity sa kondisyong sumusunod ito sa  minimum health standards.

Ayon kay Castelo, nasa 1.5 million na mga negosyo sa bansa ang maaaring mag-operate sa full capacity kapag  niluwagan pa ang quarantine restrictions.

“Pagka nag-100% na, full capacity na lahat ng negosyo, lahat nung nagtatrabaho before COVID, ‘yun na rin ang makakabalik ngayon,” aniya.