PINOY ATHLETES PINAYAGAN NANG MAG-TRAINING PARA SA TOKYO OLYMPICS

Presidential Spokesman Harry Roque

INAPRUBAHAN na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang hiling ng Philippine Olympic Committee na magbalik sa training ang mga atletang Pinoy  na sasabak sa Tokyo Olympics sa susunod taon.

Ito ang inanunsiyo kahapon ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagsabing binigyan na ng ‘green light’ ng IATF ang training sa pamamagitan ng bubble-type setting.

“As endorsed by the Philippine Sports Commission, the request of the Philippine Olympic Committee to resume the training of national athletes vying for the Tokyo Olympics in a ‘bubble-type’ setting is approved,” sabi ni Roque nang basahin ang IATF Resolution No. 88.

Ayon kay Roque,  inatasan ng IATF ang PSC, Games and Amusement Board (GAB) at ang Department of Health (DOH) na amyendahan ang kanilang mga panuntunan kaugnay sa inaprubahang training.

Alinsunod sa IATF Resolution No. 79 na inisyu noong Oktubre  15, ang pagsasagawa ng training sa pamamagitan ng ‘bubble type’  setting ay maisasakatuparan lamang sa pamamagitan ng koordinasyon sa Regional Task Force kung saan gaganapin ang training, gayundin  sa kinauukulang local government units na nakasasakop sa proposed venue ng training.

Ang Tokyo Olympics ay iniurong mula Hulyo 23, 2020 sa Agosto 8, 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.

Umaasa ang Palasyo na masusungkit na ng Filipinas ang mailap na gintong medalya sa quadrennial meet.

Comments are closed.