PLASTIC BAWAL NA SA GOV’T OFFICES

Plastic

MAHIGPIT na ipinagbawal ni Environment Secretary Roy Cimatu ang paggamit ng mga single-use plastic sa lahat ng mga opisina ng pamahalaan.

Ito ay makaraang aprubahan ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC) ang isang resolusyon na nag-uutos sa DENR na ihanda at ipatupad ang naturang ban.

Napag-alamang sakop ng naturang ban  ang national government agencies, local government units (LGUs), at lahat ng government-controlled offices.

“The NSWMC resolution is a major step to curb the use of single-use plastic items that pollute our waterways, kill marine life and contribute to our country’s increasing solid waste,” pahayag ni Cimatu.

Nabatid na bunsod ng kautusan, bawal na ang paggamit sa government offices ng mga single-use plastics tulad ng cups na mas manipis sa 0.2 millimiter, drinking straws, coffee stirrers, kutsara, tinidor, kutsilyo, “labo” at sando bags na mas mababa sa 15 microns.

Ayon pa kay Cimatu, bubuo sila ng guidelines para sa implementasyon ng plastic ban, na magiging bahagi ng solid waste avoidance at minimization strategy ng pamahalaan. BENEDICT ABAYGAR, JR.