APRUBADO ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawang balasahan sa ilang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nagsabing binigyan ng basbas ng Pangulong Duterte ang naturang revamp sa isinagawang joint Armed Forces of the Philippine/ Philippine National Police command conference noong nakaraang linggo.
“That’s good for the PNP. Any revamp will always be good for an organization after a while because mahirap iyong magkakaroon ka na ng ugat doon sa mga posisyon ninyo. Tama lang iyon,” wika ni Panelo.
Nauna rito ay nagpatupad ng balasahan sa pambansang pulisya si PNP officer-in-charge chief Lt. Gen. Archie Gamboa sa mga unang araw ng kanyang pag-upo sa bagong posisyon na aprubado rin ng National Police Commission (Napolcom).
Samantala, sinabi ni Panelo na ipinauubaya na ng Malakanyang sa korte ang magiging kapalaran ni dating PNP chief Oscar Albayalde kaugnay sa pagkakasangkot sa isyu ng mga tinaguriang ninja cops.
Ito ang reaksiyon ni Panelo makaraang isama na sa kaso ng Criminal Investigation and Detection Group si Albayalde sa isyu ng ninja cops.
Ayon pa kay Panelo, wala pang napipili si Pangulong Duterte na itatalagang permanenting hepe ng PNP matapos magbitiw si Albayalde dahil sa isyu ng drug recycling ng mga tinaguriang ninja cops. EVELYN QUIROZ