(Posible sa paghina ng piso kontra dolyar) TAAS-PRESYO PA SA PETROLYO

MAAARING magpatuloy ang pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa sa susunod na linggo sanhi ng magkahalong salik, kabilang ang paghina ng piso kontra dolyar, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sinabi ni Energy Undersecretary Gerardo Erguiza Jr. na ang mas mataas na presyo at ang pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar ay maaaring magpataas pa sa domestic prices.

“Nung trend kahapon lumabas ‘yung global market price sa trading, may bahagyang pagtaas ho, so kung ganito ‘yung tutuluyan nito, magsasama ho, magko-compound ‘yung pagtaas ng presyo at ‘yung pagtaas ng dolyar,” pahayag ni Erguiza sa Laging Handa virtual briefing.

“We just hope ‘yung dolyar forex naman po ang bumaba ngayon,” dagdag pa niya.

Ang Philippine peso ay nagsara noong Lunes sa P54.78:$1, na nakabawi mula sa P54.985:$1 noong Biyernes o ang pinakamahina magmula noong October 27, 2005.

“Ang nakita namin bakit tumaas, it’s because of one variable — ‘yung forex. Binibili natin itong mga krudo natin at oil products based on the dollar, kaya nagtaas po ang forex, kaya tumaas din ang presyo natin,” paliwanag pa ni Erguiza.

Nitong Martes, Hunyo 28, ay muling tumaas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.50, diesel ng P1.65 at kerosene ng P0.10.

Ito na ang ika-4 na sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina, at ika-5 naman sa diesel at kerosene.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang Hunyo 21, ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng P29.50, diesel ng P44.25, at kerosene ng P39.65.

Sa monitoring ng DOE, ang presyo sa Metro Manila ay naglalaro sa P75.95 kada litro (Pasig City) hanggang P98.90 kada litro (Muntinlupa City) para sa gasolina; mula P81.55 kada litro (Quezon City) hanggang P98.00 kada litro (Pasay City); at mula P89.64 kada litro (Manila) hanggang P99.04 kada litro (Taguig City) para sa kerosene hanggang Hunyo 23, 2022.

Noong nakaraang linggo ay nagbabala si Erguiza Jr. na posibleng pumalo sa P100 kada litro ang presyo ng petrolyo dahil sa iba’t ibang kadahilanan, kabilang ang global demand at ang nagpapatuloy na krisis sa pagitan ng Russia at ng Ukraine.