DEKLARADONG “failed election” ang halalan ng Philippine Councilors League (PCL) sa SMX Convention Center, Pasay City noong ika-27 ng Pebrero at muli itong itinakda sa loob ng dalawang buwan.
Ayon kay Polangui, Albay Councilor at PCL Bicol Regional Chairman Jesciel Richard Salceda, ang pagkaudlot nito ay masigabong panalo para sa ‘reform agenda’ ni Pangulong Duterte. Kandidato siya sa pagka-PCL national chairman.
Binulabog ang eleksiyon ng diumano’y mga tangkang pandaraya at ‘computer software glitches.’ Sa mga ‘video’ na inilagay sa Facebook ipinakita ang ilang konsehal na sinusubukan at pinipindot ang boto kay Salceda sa computer, ngunit ang lumalabas na boto ay sa pangalan ng kalaban niya. Inimbestigahan ito ng PCL National Board at mga opisyal ng DILG na nagulat din sila sa natuklasan.
Ayon sa team ni Salceda, 9,100 sa 11,900 rehistradong delegado sa halalan ang nangakong sila ang iboboto. Dahil sa natuklasan, nagpasya ang karamihan sa mga konsehal na pulungin ang kanilang General Membership Assembly na nagpasyang gawing ‘manual’ o mano-mano na lamang ang botohan, ngunit walang naganap na eleksiyon pagkatapos ng siyam na oras. Dahil dito, nagpasya nga itong ipagpaliban ang PCL election sa loob ng 60 araw at gawin ito sa ilalim ng superbisyon ng DILG.
Gayon man, hinimok ni Salceda ang kampo niya na manatiling kalmado at patuloy na panindigan ang tamang prinsipyo. Nagtapos sa Yale University sa Amerika, itinuturing niyang “binyag sa apoy” ang naranasan niya. Binigyan din niya ng diin na REPORMA ang ‘tunay na kandidato” sa PCL election, “lalo na ang mga repormang isusulong ng PCL sa ilalim ng bagong pamunuan nito.”
Ikinakampanya ni Salceda ang mga pagbabago batay sa mga repormang adyenda ni Pangulong Duterte. Kasama rito ang ilang amyenda sa Saligang Batas; ang pagpapahaba sa limang taon sa termino ng mga opisyal ng LGU at mga kinatawan sa Kamara, at karapatan sa dalawang magkakasunod na reeleksiyon; at paglalagay sa Konstitusyon ng “Mandanas Ruling” ng Korte Suprema upang matiyak ang “patas na bahagi” ng mga LGU sa ‘Internal Revenue Allotment (IRA) fund.’
Si Jesciel Salceda ay pamangkin ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee. Ang PCL ay binubuo ng mga 17,000 konsehal mula sa 146 na mga lungsod at 1,488 na bayan sa bansa. Naniniwala diumano sila sa prisipyong “Public Service Above Self” at dedikado sila sa tungkuling lumikha ng mga lokal na batas o ordinansang “magsusulong sa pangmadlang kabutihan.”