MASAYA si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagganap ni Speaker Alan Peter Cayetano sa kanyang mga tungkulin bilang pinuno ng Mababang Kapulungan, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Tila hindi umano napapanahon ang pagpapalit ng liderato sa Kongreso lalo na kung mapupunta lamang ito sa mga baguhan at walang sapat na karanasan at track record.
“Ang katotohanan po, and I speak for the President, wala pong frustrations si Presidente kay Speaker Cayetano. In fact, sinabi rin po niya na ‘Talagang close ako kay Alan,” wika ni Roque sa isang panayam sa Mindavote, isang online outlet.
Ayon kay Roque, kontento ang Pangulo dahil sa ilalim ng pamumuno ni Cayetano ay mabilis na naipasa ang pambansang budget para sa taong 2020.
Mabilis din, aniya, ang pag-aksiyon ni Cayetano sa pagpasa sa mga batas tulad ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2 na kinakailangan para labanan ang COVID-19.
Maging ang mga revenue-generating at tax reform bills na prayoridad ng Pangulo ay mabilis na naaksiyunan ng Mababang Kapulungan, dagdag pa ni Roque.
“Kung ikaw ay Presidente at natikman mo na kung paano nangyari ‘yung isang taon na iba ang Speaker at hindi naipasa ang budget, at nagkaroon tayo ng reenacted budget na naging dahilan kung bakit humina ang paglaki ng ekonomiya, siyempre mabibigyan mo ng importansiya ‘yung nakaka-deliver sa pangangailangan ng administrasyon,” wika niya.
Matatandaang nagkaroon ng hindi inaasahang pagkaantala sa pagpapatupad ng 2019 national budget ahil umano sa mga realignment na ginawa ng Mababang Kapulungan matapos itong ratipikahin ng bicameral conference committee.
Nang tanungin siya tungkol sa opinyon ng Palasyo kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na nakatakdang pumalit kay Cayetano sa ilalim ng kanilang term-sharing agreement, sinabi ni Roque na maaaring magkaroon ng problema si Velasco dahil sa kakulangan nito ng karanasan at hindi sapat na track record, lalo na at kinakailangan ito upang makagawa ng pagkakasunduan sa mga miyembro ng Kongreso.
Ayon din kay Roque, tila hindi rin gaanong kilala ng Pangulo si Velasco, lalo na noong nag-uumpisa pa lamang ang termino nito.
“Kung wala kang ganyang experience kung paano ka makakabuo ng consensus, e mahihirapan,” sabi niya.
Comments are closed.