NAGING alisto ang mga kagawad ng Presidential Security Group (PSG) sa sinasabing security threat kay Pangulong Rodrigo Duterte kaya nilimitahan maging ang mga ballpen, lapis at mga bottled water sa mga presidential visit sa iba’t ibang probinsiya.
Sa pagbisita ng Pangulo sa Barangay Labuan sa Ipil, Zamboanga Sibugay, hindi pinayagan ang mga mamamahayag na magdala ng ballpen at lapis maging mga bottled water.
Hindi rin pinayagan ang mga social worker, mga guro, estudyante at mga nurse sa venue kung saan magsasalita ang Pangulo.
Hindi naman nagbigay ng paliwanag ang PSG kaugnay ng nasabing hakbang subalit hinihinalang bahagi ito ng pinaiiral na security protocol para sa Pangulo.
May report din na hindi naman kinuha ng PSG ang ballpen at bottled water ng ilang mamamahayag na nagko-cover ng talumpati ng Pangulo sa bayan ng Ipil pero pinadistansya sila mula sa Pangulo.
Nauna nang sinabi ni Presidential Assistant to the President Bong Go na may security threat sa Pangulo.
Sa pahayag ni Chief Supt. Billy Beltran, regional director ng Police Regional Office 9, hindi nila alam ang detalye kaugnay sa banta sa Punong Ehekutibo at hindi naman ito isinasapubliko ng PSG.
Nitong nakalipas na linggo ay nagtungo ang Pangulo sa Zamboanga City at Sulu para bigyang pagkilala at parangal ang 12 battle casualties (BatCas) ng Joint Task Force Sulu kung saan ay ginawaran sila ng Order of Lapu-lapu level of Kampilan Medal.
Binigyan ng pagkilala ang mga sundalo matapos na magtamo ng sugat sa inilunsad na matinding military operations ng Joint Task Force Sulu para mapulbos ang Abu Sayyaf Group (ASG).
Habang may 50 Marawi heroes mula sa Joint Task Force Sulu ang pinagkalooban naman ng promotion nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at AFP chief of staff Gen Carlito Galvez.
Isang simpleng donning of rank ang ginanap sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista sa Busbos, Jolo, Sulu bandang alas-4:30 ng hapon. VERLIN RUIZ
Comments are closed.