PVL: 2ND WIN TARGET NG CREAMLINE, PLDT

(C)Alyssa Valdez, PVL

Standings W L
Cignal HD 2 0
PLDT 1 0
Creamline 1 0
Choco Mucho 1 1
Army 1 1
PetroGazz 0 2
Chery Tiggo 0 2

Mga laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
2:30 p.m. – PLDT vs Creamline
5:30 p.m. – Chery Tiggo vs Cignal HD

NANGAKO si Alyssa Valdez, galing sa bihirang off-night, na higit na magiging consistent sa pagsagupa ng Creamline sa PLDT Home Fibr sa Premier Volleyball League Invitational Conference ngayong alas-2:30 ng hapon sa Filoil Flying V Centre.

Bagama’t gumawa lamang si Valdez ng 8 points sa 25-22, 23-25, 25-22. 25-20 panalo ng Cool Smashers kontra PetroGazz noog Martes ng gabi, ang reigning Open Conference queens ay nakakuha ng malaking numero kina Tots Carlos at Jema Galanza.

“Ganoon lang naman talaga e, one game at a time. Ang game plan naman ng mga coaches hindi agad-agad one hundred percent so hopefully we mature, we grow as a team in this Invitational Conference,” sabi ni Valdez.

Ang matikas na pakikihamok ng Angels sa kanilang Open Conference Finals rematch ay nagpatunay lamang na kailangan ng Cool Smashers na iangat pa ang kanilang laro.

“It was a very slow start for us,” sabi ni Valdez. “But I think the good thing about this is we’re gonna see talaga kung ano pa yung mga things na kailangan naming i-improve.”

Nagbigay rin ng katatagan para sa Creamline sina setter Jia de Guzman at libero Kyla Atienza.

Gayunman ay hindi natitinag ang High Speed Hitters sa credentials ng katunggali, kumpiyansang magkakaroon ng mas malakas na kampanya makaraang tumapos sa ika-5 puwesto sa first conference.

Pangungunahan ni Mika Reyes, nagbuhos ng 15 points sa 25-18, 25-19, 25-14 panalo ng PLDT kontra Chery Tiggo noong Martes, ang koponan, kasama sina Chin Chin Basas, Jules Samonte, Fiola Ceballos, Dell Palomata, veteran playmaker Rhea Dimaculangan at defensive specialist Kath Arado.

Sa iba pang laro, sisikapin ng Cignal HD na mapahigpit ang kapit sa top spot laban sa Chery Tiggo sa alas-5:30 ng hapon.

Sinimulan ng HD Spikers ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng 25-17 21-25 25-20 25-20 pagdispatsa sa Army Black Mamba sa opener noong nakaraang Sabado bago ginapi ang Choco Mucho, 24-26 19-25 25-16 25-21 15-11, kamakalawa.

Umaasa ang Crossovers, kasalo ang Angels sa ilalim ng standings na may 0-2 record, na matamo ang breakthrough sa ilalim ni coach Aying Esteban dahil winalis sila ng Flying Titans at ng High Speed Hitters.

Hindi pa rin makapaglalaro si Dindin Manabat dahil sa injury, at umaasa ang Chery Tiggo na maaalis na ang iba pa nilang key players — EJ Laure, Alina Bicar, Buding Duremdes at Justine Dorog — sa health and safety protocols bago ang laro.