SA KABILA ng nakabimbing apela, tuloy na tuloy na ang P40 minimum wage hike sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Ito ang tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa pahayag naman ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), kailangang ipatupad ng mga employer ang dagdag-sarod sa NCR simula sa July 16, 2023.
Ang Wage Order No. NCR-24 na nagbibigay ng umento sa sahod sa NCR ay naisapubliko noong June 30, 2023.
Sa ilalim ng kautusan, ang daily minimum wage sa NCR ay magiging P610 na mula sa P570 para sa non-agriculture sector at P573 naman mula sa P533 para sa agriculture sector, service, at retail establishments na may 15 pababa na empleyado at sa manufacturing establishments na mayroong 10 pababa na manggagawa.
Ang apela sa nasabing kautusan ay inihain noong July 3, 2023 ng Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organization, Labor Alliance for National Development, Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon at Serbisyo,
Pinagkaisang Lakas ng Manggagawa ng Manila Bay at iba pang labor organizations.
Ayon sa grupo, masyadong mababa ang ibinigay na dagdag-sahod dahil bunsod ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, ang family living wage ay dapat nasa P1,161 na.
Ang apela ay dedesisyunan ng National Wages and Productivity Commission sa loob ng 60 calendar days mula sa filing date.
-LIZA SORIANO