(Sa kabila ng sakit na nararamdaman) DUTERTE ‘DI KAILANGAN MAGBAKASYON

Duterte

TAHASANG sinabi kahapon ni Senador Christopher Bong Go na hindi kailangang mag-leave o magbakasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng iniinda nitong sakit ng katawan mula sa pagsemplang sa motorsiklo.

Ito ang naging tugon ng senador sa mga nag-aabang sa medical bulletin ng Pangulo.

Aniya, kailangan lamang magpahinga at ma-relax ng katawan ng Pangulo sa loob ng ilang araw

Gayunpaman, kinumpirma ni Go na kahit pigilan pa ang Pangulo sa pagmo-motor ay hindi ito makikinig dahil sa hindi ito mabubuhay ng hindi nagmo-motor.

Kaya’t ang hiling ng senador sa Pangulo na magdahan-dahan lang kung hindi ito mapipigilan sa pagmo-motor at isipin din ang maraming nag-mamahal sa kanya.

Kaugnay nito, itinanggi ni Go ang napaulat na kaya napaaga ang pagbabalik sa bansa ng de­legasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay dahil sa hindi magandang pag-welcome sa kanya sa Japan.

Anang senador, naging pantay ang pagtrato ng pamahalaan ng Japan sa mga world leader na dumalo sa enthronement ni Emperor Naruhito.

Iginiit nito, hindi naman paimportante si Pa­ngulong Duterte kung saan mas gusto pa nga nitong nasa likod lang siya  at hindi pinapansin.

Samantala, labis ang pasasalamat ni Pangulong Duterte sa Japan dahil sa importansiyang  ipinaram­dam sa kanya at sa pagkakaibigan ng dalawang bansa. VICKY CERVALES