WALANG ibang paraan kundi magtaas ng presyo ng tinapay.
Ito ang katuwiran ng ilang bakery matapos na sumipa na rin ang presyo ng mga sangkap sa paggawa ng tinapay.
Nasa P.50 hanggang P1.00 ang itinaas ng presyo ng pandesal at iba pang uri ng tinapay.
Ayon kay Luisito Chavez, pangulo ng grupong Panaderong Pinoy, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga sangkap tulad ng harina at asukal ang isa sa mga dahilan kaya nagtaas na ng presyo ang mga panadero.
Kasama na rin dito ang pagbulusok ng halaga ng piso kontra dolyar at ang nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Russia at ng Ukraine.
Kasabay nito, umapela si Chavez sa publiko na huwag gawing basehan ang presyo ng Pinoy Tasty na nasa P28.50 na at Pinoy Pandesal na P23.50 kada 10 piraso.
– DWIZ 882