“MUSCLE spasm lang.”
Ito ang ibinalita ni Senador Christopher “Bong” Go matapos sumailalim kahapon sa medical consultation si Pangulong Rodrigo Duterte .
“Ang ikinabahala namin at first kung tinamaan ang kanyang spine since it was unbearable pain nga po ang nararamdaman niya kahapon” sabi ni Go.
Ayon sa senador, base sa findings ng mga doktor na tumingin sa Pangulo ay nakararanas lamang siya ng muscle spasm bagaman sumailalim din siya kahapon sa Magnetic Resonance Imaging (MRI) upang malaman kung may naipit na ugat sa spinal column ng chief executive na dahilan para sumakit ang likod nito.
Sinabi ni Go na binigyan lamang ng mga doktor si Pangulong Duterte ng gamot para sa muscle spasm at pinayuhan na magpahinga muna at iwasang tumayo ng matagal.
Nilinaw pa ng senador na hindi naman total bed rest ang naging payo ng kanyang mga doktor.
Gayunpaman, tiniyak ng senador na walang dapat na ikabahala ang publiko sa lagay ng kalusugan ng Pangulo.
Magugunita na mismong si Go ang nag-anunsiyo na nakararanas ang Pangulong Duterte ng pananakit ng kanyang baywang malapit sa kanyang pelvic bone area nang sumemplang ang kanyang sinasakyang motorsiklo noong nakaraang linggo.
Napaaga ang uwi ng Pangulong Duterte mula sa sana’y dalawang araw na official visit sa Japan upang dumalo sa enthronement ceremony ni Japanese Emperor Naruhito dahil sa matinding pananakit ng likod, baywang at tuhod.
Nauna nang inamin ni Pangulong Duterte na umiinom siya ng Fentanyl upang maibsan ang pananakit na nararamdaman makaraaang magkaroon ng aksidente sa motorsiklo noong alkalde pa siya ng Davao City. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.