TINIYAK ng Malacañang na bibigyang seguridad ang mga alkalde na may banta sa buhay sa 2019 elections.
Sa talumpati sa League Municipalities of the Philippines Luzon Island Cluster Conference sa SMX Convention Center sa Lanag, Davao City, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na bibigyan ng tig-dalawang uniformed security personnel ang mga alkaldeng may banta sa kanilang buhay.
Marapat lang aniya na mabigyang seguridad ang mga ito para maayos na magampanan ang kanilang mga tungkulin.
Sinabi ng Pangulo na bilang dating alkalde, nauunawaan nito ang hirap na kinahaharap ng mga mayor upang magampanan ang inyong tungkulin, kaya sinisikap nitong mabigyan ang pamahalaang lokal ng kakayahan upang maisulong ang mga negosyo gayundin ang tamang pamamahala sa local level.
Kasabay nito, muling binantaan ng Pangulo ang mga mayor na huwag pumasok sa operasyon ng ilegal na droga.
Ang LMP ay isang samahan na may 82 provincial chapter presidents mula sa 1,489 munisipalidad sa buong bansa. Itinatag ito alinsunod sa Republic Act (RA) 7160 na kilala rin bilang Local Government Code of 1991.
Dinaluhan ang komperensiya ng 327 local chief executives mula sa rehiyon ng Luzon.
Comments are closed.