PINALAWIG na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang State of Calamity sa buong Filipinas sa gitna pa rin ng nararanasang banta ng COVID- 19 sa bansa.
Base sa Proclamation No. 1021 na pinalabas ng Malakanyang, nakasaad na tatagal ang deklarasyon sa loob ng isang taon o hanggang ika-12 ng Setyembre, 2021. Maliban na lamang kung babawiin ito nang mas maaga.
Nakasaad sa proklamasyon na inaatasan ang lahat ng government agencies at local government units sa bansa na magbigay ng full assistance at magkipagtulungan sa isa’t – isa, at i-mobilize ang mga kinakailangang resources para sa angkop at mabilis na disaster response aid o measure para matuldukan ang banta ng COVID-19 sa bansa.
Inaatasan din ang mga law enforcement agency, sa tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na gawin ang mga kinakailangang hakbangin upang mapanatili ang peace and order sa mga apektadong lugar ng COVID-19.
Sa ilalim ng State of Calamity ay mabibigyan ng mas mabilis at mas malawak na access ang pamahalaan sa kinakailangan nitong pondo upang tugunan ang virus.
Nilagdaan ng Pangulong Duterte ang proklamasyon noong Setyembre 16, 2020. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.