SUNS, HEAT ANGAT SA 2-0

NAITALA ni Devin Booker ang 21 sa kanyang 30 points sa second half at kinuha ng Phoenix Suns ang 2-0 series lead sa 129-109 panalo kontra bisitang Dallas Mavericks noong Miyerkoles ng gabi.

Naiposte ni Chris Paul ang 14 sa kanyang 28 points sa final quarter at nag-ambag din ng 8 assists para sa  Suns, na pinataob ang Mavericks sa 23-2 fourth-quarter surge upang palobohin ang kalamangan sa 27 points.

Umiskor si Luka Doncic ng  35 points para sa Mavericks, na umabante ng 2 points sa halftime ng Western Conference semifinal contest bago na- outscore, 71-49, sa second half. Si Doncic ay may average na  40 points sa series.

Nakatakda ang Game 3 sa Biyernes ng gabi sa Dallas.

Nakalikom si Jae Crowder ng 15 points at 7  rebounds at nagdagdag si Mikal Bridges ng 11 points at 6 assists para sa Phoenix. Bumuslo ang Suns ng mainit na 64.5 percent mula sa field at naipasok ang 13 sa 25 3-point attempts.

Tumipa si Reggie Bullock ng 16 points at nagdagdag si Spencer Dinwiddie ng 11 para sa Mavericks.

HEAT 119,

76ERS 103

Kumana si Bam Adebayo ng 23 points at nagdagdag si Jimmy Butler ng 22 nang gapiin ng top-seeded Miami Heat ang fourth-seeded Philadelphia 76ers sa Miami para sa 2-0 lead sa kanilang best-of-seven Eastern Conference semifinal.

Mula sa bench ay nakakuha ang Miami ng 19 points mula kay Victor Oladipo at 18 kay Tyler Herro. Nagtuwang sila upang magsalpak ng 6 of 9 mula sa 3-point range, kabilang ang game-sealing bomb mula kay Oladipo, may 1:39 ang nalalabi mula sa ika-11 sa 12 assists ni Butler upang ilagay ang talaan sa  114-101.

Nagbuhos si Tyrese Maxey ng 34 points para sa Philadelphia sa 12 of 22 shooting, habang tumapos si James Harden na may 20 points at 9 assists. Nagdagdag si Tobias Harris ng 21 points para sa 76ers, na umaasang makababalik si NBA scoring champion Joel Embiid (multiple injuries) sa lineup para sa  Game 3 sa Biyernes ng gabi sa  Philadelphia.

Ngunit higit pa sa   30.6 points at 11.7 rebounds per game ni Embiid ang kailangan ng  76ers para makabalik sa series. Kailangan nilang higpitan ang  depensa na pinayagan ang 112.5 points per game sa series. Giniba ito ng Heat para sa   51.3 percent shooting mula sa field noong Miyerkoles, kabilang ang 14 of 29 sa 3-pointers.

Nadominahan din ng Miami ang boards, 44-34, ang pinatahimik si Harden sa second half. Gumawa lamang si Harden ng 4 points matapos ang halftime.