(Suspension order ng gov’t sa ilang mga bansa binawi ni Duterte) PAG-UTANG, DONASYON PUWEDE NA

duterte

NAKAHANDA nang muli ang Filipinas na tumanggap ng donasyon o mangutang mula sa mga bansa na sumuporta sa resolusyon ng Iceland na nagpapaimbestiga kay Pangulong Rodrigo Duterte sa United Nations Human Rights Council kaugnay sa madugong kampanya sa anti-drug war.

Base sa memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea noong Pebrero 27, 2020, ay inabisuhan nito ang lahat ng gabinete maging ang mga  government owned and controlled corporations (GOCCs)  at government financial institutions (GFIs)  na maaari nang mangutang o tumanggap ng donasyon sa ibang bansa.

Nakasaad sa memorandum na kinakailangan lamang na kumuha ng approval mula sa apprioving authority at clearance ang mga miyembro ng gabinete at tiyakin na sumusunod sa mga panuntunan.

Wala namang ibinigay na rason ang Malakanyang  sa pagbawi sa naturang suspension order.

Noong Agosto 27, 2019 ay ipinag-utos ng Pangulong Duterte ang suspensiyon ng negotiations at signing sa lahat ng loan at grant agreements sa mga bansang sumuporta sa UNHRC resolution na may petsang Hulyo 11, 2019.

Ang bansang Iceland ang nanguna sa paghahain  ng resolusyon kung saan 18 sa 47 member countries ang sumuporta sa pagpapaimbestiga sa Pangulo.

Kabilang sa mga sumuporta sa resolusyon ng Iceland ang Argentina, Australia, Austria, Bahamas, Bulgaria, Croatia, Czech Republic, Denmark, Fiji, Italy, Mexico, Peru, Slovakia, Spain, Ukraine, UK, at Uruguay.

Mariing kinondena ng Palasyo ang UNHRC resolution dahil sa  pagiging one-sided  at malisyoso. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.