TIWALA ang Malakanyang na matagumpay na natugunan ng pamahalaan ang mga pangunahing problemang kina-kaharap ng bawat Filipino gaya ng usapin sa suweldo, presyo ng mga pangunahing bilihin at trabaho.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, maituturing niyang “successful” ang mga programa ng gobyerno kung ito ang magiging batayan para husgahan ang tatlong taong termino ng Pangulo.
Sa panig ng Department of Finance (DOF), kung suweldo ang pag-uusapan ay napataas na nila ang take home pay ng mga manggagawa dahil sa 99% na ng personal income tax payers ang nagbabayad ng mas mababang buwis sa ilalim ng TRAIN Law.
Gayundin, ipinagmalaki naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang halos kalahating milyong manggaga-wang ang na-regular sa trabaho simula 2016.
Habang ang presyo ng mga pangunahing bilihin, bumaba na rin.
Gayundin, kabilang pa sa magagandang nagawa ng administrasyon ay ang free tuition sa kolehiyo, mas mataas na SSS pension, 4Ps at Universal Health Care Law.
Reaksyon ito ng Malakanyang sa inilabas na survey ng Pulse Asia kung saan nanguna sa listahan ang usapin hinggil sa sahod ng mga manggagawa, presyo ng mga pangunahing bilihin at trabaho na siyang nais ng publiko na talakayin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) nito sa darating na Lunes.
Batay sa survey ng Pulse Asia simula noong Hunyo 24 hanggang 30, natukoy na 17.1 percent ng 1,200 respondents ang nais na matalakay ng Pangulo ang mga isyu patungkol sa sahod ng mga manggagawa at karagdagang 17.1 percent din ang nagsabing talakayin ang pagpapababa sa presyo ng mga bilihin.
Samantala, 15.2 percent ng mga respondents ang nais marinig kay Pangulong Duterte ang mga naging accomplishment at plano nito sa pagbuo ng mas marami pang trabaho o kabuhayan.
Comments are closed.