NABUHAYAN ng loob ang mga evacuee sa pagsabog ng Bulkang Taal nang payagan na sila ni Gov. Hermilando Mandanas na makauwi sa kani-kanilang tahanan makaraan ang dalawang linggong panunuluyan sa iba’t ibang evacuation centers.
Ito ay kasunod ng pagbaba sa alert level 3 ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa lagay ng bulkan.
Gayunman, ang mga residente ng Agoncillo at Laurel, na sakop pa ng 7 kilometer danger zone ay hindi pa pinapayagang umuwi dahil kahit bumaba ang pag-aalboroto ng bulkan ay walang garantiya na ligtas na ito.
Kaya naman nang ianunsiyo ni Mandanas na maaari nang umuwi ang ilang evacuee ay nagmamadali ang mga ito.
Agad nitong sinabihan ang mga evacuee na maaaring bumalik sa kanilang mga tahanan upang asikasuhin ang kanilang ari-arian at mga hayop.
Samantala, aabot naman sa 22,000 bahay ang hindi pa maaaring tirhan dahil sa nasira ang mga ito makaraang matabunan ng abo at bato.
“Sa ngayon, 22,000 bahay [ang] hindi na mababalikan. Sira na. Hindi lang sira—hindi na dapat balikan pa,” ayon kay Mandanas.
Nakiusap naman ang mga residente ng bayan ng Agoncillo at Laurel na bigyan sila ng window hours para makuha ang kanilang mga alagang hayop at mabisita ang bahay na hindi naman pinayagan ng mga pulis dahil nananatiling delikado ang lugar.
Tiniyak din ng pulisya na magiging mahigpit sila para hindi makapasok sa 7 KM danger zone ang mga tao dahil mas mahalaga ang buhay kaysa ari-arian.
Sa datos naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) umabot na sa 376,327 people o 98,187 families ang apektado ng naturang kalamidad.
Sa nasabing bilang, 135,365 katao o 37,203 families ang nananatili sa 497 evacuation centers, habang ang 168,569 persons o 43, 824 families ay nakikituloy sa bahay ng mga kamag-anak o kaibigan. EUNICE C.
Comments are closed.