(Taal Volcano nag-alboroto; pagyanig naitala rin) UMULAN NG BATO AT ABO: PREEMPTIVE EVAC IPINATUPAD

Taal Volcano

BATANGAS – BI­NALOT ng takot ang mga residente sa ilang bahagi ng Batangas, Cavite, Laguna gayundin ang katimugang bahagi ng Metro Manila dahil sa pag-ulan ng abo at bato kahapon na dulot ng phreatic eruption ng Taal Volcano na nasa Lawa ng Batangas.

Pasado alas-2 ng hapon ay itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa level 2 ang alerto sa mga residenteng nakapaligid sa Taal Volcano kasunod ng tuloy-tuloy na pagbuga ng abo at bato ng bulkan.

Habang naramdaman ang mga pagyanig alas-7:35 ng umaga na sinundan ng alas-10:43 ng umaga at alas-2 ng hapon.

Ang pagyanig ay na­ramdaman sa mga barangay ng Calauit, Balete, Sitio Tibag, Pira-Piraso, at Buco, Talisay, Alas-as at Pulangbato, San Nicolas sa  Batangas

Sinasabing kaakibat ng pagyanig ang mga dagundong.

PAGPAPALIKAS IPINATUPAD

Ipinag-utos naman ng Batangas Provincial Disaster Management ang preemptive evacuation sa mga residente malapit sa Taal Volcano.

Nabatid na umabot sa 100 metro ang taas ng abo na ibinuga ng bulkan.

Kaya naman ay nagsimula nang lumikas ang mga residente ng munisipalidad ng San Nicolas, Balete at Talisay sa Batangas.

Ayon sa Phivolcs, ang pagbuga ng abo ng Taal ay bunsod ng hydro-thermal activities sa naturang bulkan.

Magmula anila noong Marso 28, 2019 ay naobserbahan na ang “moderate to high level of seismic activity” ng Taal.

Muli ring ipinaalala ng Phivolcs sa publiko ang pagbabawal sa paglapit sa Main Crater ng Taal dahil sa steam explosions na maaring mangyari.

KLASE SA LAHAT NG ANTAS SUSPENDIDO; FLIGHTS  KANSELADO

Sinuspinde naman ang pasok sa eskuwela, lahat ng antas,  sa mga munisipalidad sa paligid ng Taal Lake gaya sa Talisay, Balete, Mataas na Kahoy, Cuenca, Ali­tagtag, Sta. Teresita, San Nicolas, Agoncillo at bayan ng Laurel gayundin sa Lipa City.

Nag-anunsiyo rin si Cavite Gov. Jonvic Remulla ng class suspension, all levels sa lahat ng kanyang nasasakupan.

Maging ang pasok ng klase sa Maynila at sa Paranaque City, lahat ng antas, ay wala na ring pasok. Maging ang flights sa Ninoy Aquino International Airport at suspendido.

Nagbabala rin ang Phivolcs sa ashfall bunga ng pyroclastic materials mula sa Taal Volcano. Samantala, umabot na rin sa iba’t ibang bahagi ng Quezon City  partikular sa  Camp Crame ang abo na ibinuga ng bulkan, ayon kay Lt. Gen. Camilo Cascolan, PNP Dep. chief for Operations. VERLIN RUIZ

Comments are closed.