CHICAGO – Naipasok ni Anthony Davis ang isang walk-off free throw at ginapi ng Team LeBron ang Team Giannis sa 69th NBA All-Star Game noong Linggo.
Nagmintis si Davis, ang big man ng Los Angeles Lakers at first pick sa All-Star draft, sa una bago naisalpak ang ikalawa para sa 157-155 panalo.
Nakopo ni Kawhi Leonard ang Kobe Bryant MVP Award makaraang magtala ng 30 points upang pangunahan ang Team LeBron, habang nagbuhos si Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks ng 25 sa pagkatalo ng kanyang koponan.
Walang koponan ang gumamit ng sub sa final quarter.
Binigyan ni LeBron James (Los Angeles Lakers) ang Team LeBron ng 156-153 kalamangan ngunit nagtangka si Chris Paul (Oklahoma City Thunder) sa tres at sumablay. Sa kabilang dulo ay tinapyas ng Team Giannis ang bentahen sa 156-155 sa dalawang free throws ni Joel Embiid (Philadelphia 76ers).
Hindi binilang ang naunang basket ni James na naglagay sana sa talaan sa 156-153 makaraang lumitaw sa review na malinis na nasupalpal ni Antetokounmpo ang layup ni James, na naunang tinawagan ng goaltending.
Bumawi si James Harden (Houston Rockets) mula sa sablay na free throws sa pagsalpal ng dalawa upang bigyan ang Team LeBron ng 154-152 bentahe.
Umabante ang Team Giannis sa 133-124 matapos ang tatlong quarters, at sinimulan ang unusual untimed final quarter.
Ang target final score na 157 ay kinalkula gamit ang score total ng Team Giannis makalipas ang tatlong quarters at nagdagdag ng 24 points.
Nagsuot si LeBron James, nasa kanyang ika-16 na All-Star Game appearance, at ang Team LeBron ng blue jerseys na pawang may No. 2 sa likod, habang ang Team Giannis ay nagsuot ng red No. 24 jerseys. Ang one-time gesture ay bilang pagpupugay kay Bryant, na nagsuot ng No. 24, at sa kanyang anak na si Gianna, na pinli ang No. 2.
Ito ang unang pagkakataon magmula noong 2013 na ang All-Star Game ay nilaro na wala si Warriors guard Stephen Curry, na na-sideline dahil sa broken finger.
Ang bawat koponan ay kinatawan ng isang Chicagoland youth charity kung saan ang winning team ay tumanggap ng $200,000 para sa kanilang napiling organisasyon.
Ang Team Giannis ay kinatawan ang After School Matters at ang Team LeBron ay naglaro para sa Chicago Scholars.
Comments are closed.