INAASAHAN ang pagdagsa ng mga aplikante sa ikinasang job fairs sa pagdiriwang ng ika-126 anibersaryo ng Philippine Independence sa Hunyo 12.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), nasa 106,298 local employment opportunities at 5,165 overseas vacancies ang iaalok ng mahigit 1,000 employers sa job fairs na isasagawa sa 43 sites sa buong bansa.
Karamihan sa job fairs ay isasagawa sa malls para sa kaginhawaan ng mga aplikante at employer.
Kabilang sa mga tinukoy na job fair sites ang SM Grand Central (Caloocan City); SM Center Las Piñas at Robinsons Place (Las Piñas); SM Megamall (Mandaluyong); SM City Manila (Manila); SM City Marikina (Marikina); Parañaque City Social Hall at Sports Complex (Parañaque City); SM Mall of Asia (Pasay City); SM East Ortigas (Pasig City); SM Fairview (Quezon City); at Vista Mall (Taguig City).
Ang mga trabahong maaaring aplayan ay production worker/operator; customer service representative; cashier, bagger, sales clerk; laborer, carpenter, painter; and service crew, cook, waiter at server.
Markahan na ang araw na ito at huwag nang palampasin pa dahil kapag sinuwerte ay puwedeng ma-hire agad ang isang aplikante.
Siguraduhin lamang na bitbit ang application requirements, tulad ng resume o curriculum vitae, diploma, transcript of records, at certificate of employment para sa mga dating may trabaho.
Nawa’y makatulong ang job fairs na ito upang magkaroon ng hanapbuhay ang mga Pinoy na ang karamihan ay matagal-tagal na ring tambay.