PASAY CITY – ARESTADO ang tatlo katao makaraang mahulihan ang mga ito ng shabu at pinatuyong dahon ng marijuana sa dalawang magkahiwalay na operasyon kamakalawa ng gabi sa lungsod na ito.
Kinilala ni Pasay City police chief P/Colonel Bernard Yang ang mga suspek na sina Keith Malaque, 22, kabilang sa drug watch-list; Steven Arellano, alyas Shuk; at alyas 19, tricycle driver, ng Brgy. 145.
Base sa report na isinumite kay Yang, unang nahuli si Malaque bandang alas-11:00 ng gabi kamakalawa sa Brgy. 171 Zone 17, Malibay.
Ayon kay Yang, isang concerned citizen ang nagtimbre sa ilegal na aktibidad ni Malaque na nagdulot ng kanyang pagkakaaresto kung saan narekober sa kanya ang 3 sachets na naglalaman ng shabu na nakalagay sa kaha ng sigarilyo na tumitimbang ng 51.4 gramo at nagkakahalaga ng P349,520.
Samantala, sina Cedro at Arellano naman ay nahuli habang nagmamaneho ng motorsiklo ng hindi naka-helmet at walang lisensya si Cedro na kaangkas si Arellano dakong alas-11:30 ng gabi kamakalawa sa isang Oplan Sita na isinasagawa ng mga tauhan ng Malibay Police Community Precinct (PCP)-7 sa Apelo Cruz Street.
Nang hiningi ng mga tauhan ng PCP 7 ang lisensya ni Cedro ay wala itong maipakita bagkus ay kanyang binuksan sa harapan ng mga pulis ang kanyang wallet kung saan nakita ang isang plastic sachet na may lamang dahon ng marijuana.
Sa patuloy na pag-iinspeksiyon ay nakuha naman siaposesyon ni Arellano ang isang glass tube na may bakas ng sunog na dahon ng marijuana at dalawa pang plastic sachets na naglalaman din ng dahon ng pinatuyong marijuana. MARIVIC FERNANDEZ