PINATITIYAK ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan lalo ang mga miyembro ng gabineteng inatasan nitong tumutok sa pananalasa ng bagyong Ompong sa Northern Luzon.
Ang mga inatasan ni Duterte sa Region 2 ay sina Labor Secretary Silvestre Bello III na nasa Ilagan City, Isabela; Transportation Secretary Arthur Tugade sa Cagayan; Public Works Secretary Mark Villar at Presidential Adviser on Political Affairs Francis Tolentino.
Ayon kay Bello, agad silang nakipag-ugnayan sa Malakanyang para ipaalam kung gaano katindi ang tama ng bagyong Ompong matapos mag-landfall kahapon ng ala-1:40 ng madaling araw sa Baggao, Cagayan.
Gayundin, ipinag-utos ng Pangulo na wala dapat mangyayaring delay o kakulangan sa ibibigay na relief assistance sa mga biktima ng bagyo.
Iniulat ni Bello kung gaano kalakas ang bagyo kung saan maging ang tinuluyang bahay ni Tolentino ay nawalan ng bubong at bintana, ang bubong sa kapitolyo sa Cagayan ay tinangay din ng malakas na hangin, ang mga dala niyang de-lata at bigas na nakalaan sanang relief goods ay nilipad din habang si Tugade na bagaman nasa hotel ay nakaranas din ng “black-out” sa supply ng koryente.
Sinabi pa ni Bello, napakaraming bahay ang nasira, mga punongkahoy na natumba, mga nagliparang yero at nasirang imprastruktura.
Humingi na rin ng tulong si Bello para mag-repack ng relief goods na ipadadala sa mga sinalanta ng bagyo.
At dahil sa kompleto ang logistics ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at Department of Transportation (DOTr) ay mabilis na maipadadala ang mga relief good sa mga apektadong residente.
Kaya’t tiniyak ni Bello na walang dapat ikabahala sa supply ng relief goods dahil marami pa ang darating maliban sa mga naka-preposition na bago dumating at nanalasa ang bagyo.
DIGONG LILIPAD SA MGA NASALANTA NG BAGYO
HANDA si Pangulong Duterte na lumipad sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Ompong.
Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque sa briefing sa tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na dinaluhan ng mga miyembro ng gabinete at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Roque, kilala naman ng publiko si Pangulong Duterte at sa oras na umayos ang panahon ay agad itong lilipad sa ilang lugar na nasalanta ng bagyo.
Tiniyak din naman ni Roque na patuloy ang pagmo-monitor ng Pangulo sa mga kaganapan sa buong bansa kahit nandito lamang ito sa Metro Manila.
Kasabay nito, inatasan ni Pangulong Duterte ang lahat ng kanyang gabinete na mag-ulat sa bayan sa mga ginagawang hakbang ng pamahalaan para matulungan ang mga kababayang nasalanta ng bagyo sa isinasagawang briefing ng NDRRMC.
ASEAN COUNTRIES TUTULONG SA NAPINSALA NI ‘OMPONG’ – NDRRMC
NAKAHANDANG tumulong sa Filipinas ang mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kung kakailanganin.
Ito ang pagtitiyak ng ASEAN sa harap ng pananalasa ng Bagyong Ompong.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, mayroon namang nilagdaang kasunduan si Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang iba pang pinuno ng ASEAN na bahagi ng “One ASEAN, One Response”.
Sa naturang kasunduan, nakasaad na magtutulungan ang mga bansang ASEAN sa pagtugon sa mga natural na kalamidad.
Sinabi rin ni Jalad na hindi magdadalawang isip ang pamahalaan na humingi ng international assistance kung mahihirapan ang pamahalaan sa pagresponde sa posibleng epekto ng malakas na bagyo.
Idinagdag pa nito, ngayon pa lamang ay nagpahayag na ng kahandaan ang ASEAN Humanitarian Assistance na pagkalooban ng tulong ang Filipinas kung kakailanganin.
Nauna nang inihayag ni Jalad na handang-handa na ang pamahalaan sa Bagyong Ompong at umaasa siyang makakamit ang “zero casualties” target.
Nabatid na nasa 5.2 milyon residente ang tinatayang maaapektuhan ng malakas na bagyo batay sa pinakabagong assessment ng NDRRMC.
Ayon kay NDRRMC spokesperson Dir. Edgar Posadas, sa nasabing bilang, 983,000 dito ay nasa below poverty line.
Subalit, nilinaw ni Posadas na hindi lahat ng 983,000 ang kinakailangang ilikas o isailalim sa pre-emptive evacuation.
Inaasahan naman ng NDRRMC na bago pa man mag-landfall ang Bagyong Ompong ay nailikas na ang mga residenteng nakatira malapit sa mga danger zones at mga baybayin.
Ito ay dahil mataas ang banta ng storm surge kung saan hanggang tatlong palapag ng isang building ang taas ng tubig.
Kahapon ng umaga, pumalo na sa 2,298 pamilya ang inilikas na sa probinsiya ng Ilocos Norte.
Nasa 662 na siyudad naman mula sa apat na rehiyon na tutumbukin ng bagyo ang nagsuspende ng klase.
Habang mahigt 20 domestic flights ang kinansela ngayong araw at 4,000 pasahero ang na-stranded sa iba’t ibang pier sa Luzon kabilang na ang 46 na barko.
TUGUEGARAO AIRPORT WINASAK NI OMPONG
WINASAK ng bagyong ‘Ompong’ ang Tuguegarao airport sa Cagayan.
Sa ipinadalang litrato ni Office for Transportation Security Undersecretary Art Mendez Evangelista, makikitang halos natapyasan ng bubong at nagkabasag-basag ang ilang mga gamit sa nasabing paliparan dala ng bugso ng hangin na dulot ng bagyo.
Sa inilabas na notice to airmen ng Civil Aviation Authority of the Philippines kahapon ng umaga, isinara na ang Tuguegarao airport maging ang ilang paliparan sa hilagang Luzon dahil sa hagupit ni Ompong.
Kaugnay rin nito, nananatiling sarado ang ilang mga paliparan sa hilagang bahagi ng Luzon bunsod ng pananalasa ng bagyong Ompong.
Partikular na apektado ang mga paliparan sa Basco, Cauayan, Tuguegarao, Lingayen, Laoag, San Fernando, Itbayat, Vigan at Palanan.
Comments are closed.