UNANG PANALO NILAGOK NG BEERMEN

Mga laro sa Miyerkoles:

Smart Araneta Coliseum

3 p.m. –  Terrafirma vs Magnolia

6 p.m. –  NLEX vs TNT

NAITALA ng San Miguel Beer ang kanilang unang panalo makaraang malusutan ang matikas na pakikihamok ng NorthPort, 91-88, Linggo sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Gumawa ang Beermen ng clutch plays na kinailangan nila sa huli para mapigilan ang Batang Pier, na binura ang dalawang 27-point deficits sa third period.

Sa kabila ng pag-iskor ng limang puntos lamang sa buong second half ay nanguna pa rin si Brandon Brown para sa SMB na may 24 points, 12 rebounds at 7 assists.

Bumawi ang Beermen mula sa pagkatalo sa  NLEX at Alaska sa season-ending tourney.

“After two losses it’s a wake-up call for us and I’m so lucky that the players, after a lengthy talk with the team, they responded, especially in the first three quarters,” sabi ni SMB coach Leo Austria.

“But nandoon pa rin ‘yung nagre-relax sa dulo.”

Tumulong si Brown, na hindi nakatikim ng panalo makaraang maglaro ng anim na games bilang replacement import para sa Phoenix sa 2017 edition ng kaparehong torneo,  na masiguro ang unang panalo ng Beermen sa pagsalpak ng dalawang free throws na naglagay sa talaan sa 91-85, may 60 segundo ang nalalabi.

Umaasa ngayon si Austria na ang pahinga ng koponan bago bumalik sa aksiyon sa Sabado kontra Blackwater ay magbibigay sa kanila ng panahon na mapag-aralan ang kanilang kakulangan.

“This (win) will give us some confidence going to our next games, to figure out what’s happening with our team,” ani Austria. “I’m hoping na mag-improve kami in our next few games.”

Tumapos si Robert Bolick na may 24 points at 8 assists habang nagdagdag si

Arwind Santos ng 23 points at 11 rebounds para sa Batang Pier na nanatiling walang panalo sa tatlong laro. CLYDE MARIANO

Iskor:

SMB (91) – Brown 24, Perez 15, Fajardo 15, Lassiter 12, Manuel 10, Pessumal 9, Romeo 6, Enciso 0, Tautuaa 0.

NorthPort (88) – Bolick 24, Santos 23, Malonzo 22, Slaughter 10, Taha 4, Ferrer 2, Grey 2, Balanza 1, Rike 0, Doliguez 0, Elorde 0.

QS: 26-9, 49-31, 72-58, 91-88