Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7 p.m. – San Miguel vs Rain or Shine
Game 3, Beermen abante sa 2-0
TATANGKAIN ng San Miguel Beer na selyuhan ang kanilang pagpasok sa finals sa pamamagitan ng ‘sweep’ laban sa naghihingalong Rain or Shine sa Game 3 ng kanilang best-of-5 semifinals showdown sa PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Araneta Coliseum.
Tangan ang 2-0 lead, haharapin ng Beermen ang Elasto Painters sa alas-7 ng gabi na determinadong tapusin ang serye.
Sa ipinakikita ng tropa ni coach Leo Austria ay hindi malayong matapos agad ang serye at maisaayos ang finals duel sa magwawagi sa Talk ’N Text at defending champion Barangay Ginebra.
Tiyak na sasamantalahin ni Austria ang kanilang malaking bentahe para sumampa sa finals at palakasin ang kanilang title campaign.
“We will exploit our advantage to the hilt,” sabi ni Austria matapos na talunin ang RoS, 117-105, sa Game 2 na naglapit sa Beermen sa finals.
Puntirya ni Austria ang ika-8 titulo at ikalawa sa Commissioner’s Cup magmula noong 2015 makaraang igiya ang SMB sa tagumpay sa ASEAN Basketball.
Muling pangungunahan ni Chris McColough ang opensiba ng SMB, katuwang sina Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Arwind Santos, Chris Ross at Terence Romeo.
Sa import match-up ay lamang si McColough kay Carl Montgomery at inaasahang muling mananaig ang NBA veteran sa RoS counterpart.
Back against the wall, gagawin ni coach Caloy Garcia ang lahat para mapigilan ang Beermen sa pagmartsa sa finals at manatiling buhay ang kanilang kampanya para sa titulo.
Hanggang ngayon ay mailap pa rin kay Garcia ang korona at ang kanyang kapalaran kung mananatili pa siya bilang coach ng koponan na minana niya kay Yeng Guiao, na lumipat sa NLEX ay nakasalalay kina team owners Terry Que at Raymond Yu. CLYDE MARIANO
Comments are closed.