WARRIORS BALIK SA PORMA

warriors vs jazz

HUMATAW si Andrew Wiggins ng season-high 28 points at nag-ambag si Stephen Curry ng game-high 32 upang tulun-gan ang Golden State Warriors na putulin ang four-game losing streak sa pamamagitan ng 131-119 panalo kontra bisitang Utah Jazz sa San Francisco.

Kumonekta si Wiggins, na nabigong umiskor ng kahit  20 points sa career-worst-tying nine straight games, ng 12 of 16 mula sa field at 3 of 4 mula sa 3-point range nang mahigitan niya ang kanyang naunang  season high na 27, na naitala noong Dec. 29 sa Detroit.

Si Curry, bumuslo lamang ng  8 of 29 sa 3-point range sa four-game skid ng Warriors, ay nagsalpak ng anim sa siyam la-ban sa Jazz, na pumasok sa laro na may NBA’s third-best defense kontra three-pointers.

Tumipa sina Donovan Mitchell at Rudy Gobert ng tig-24 habang nag-ambag sina Mike Conley ng 23 at Jordan Clarkson ng 21 para sa Jazz, na natalo ng apat sa kanilang huling anim na laro.

PELICANS 135,

CLIPPERS 115

Umiskor si Zion Williamson ng 27 points at nagdagdag si Brandon Ingram ng 23 nang pulbusin ng hot-shooting New Orleans Pelicans ang bisitang Los Angeles Clippers,135-115.

Nagtala si Lonzo Ball ng 20, gumawa si Jaxson Hayes ng 17 mula sa bench para sa kanyang ikalawang sunod na  season-high, at kumamada sina Josh Hart at Kira Lewis Jr. ng tig-13 para sa Pelicans na tinapos ang six-game homestand sa kanilang ikalawang sunod na dominant performance. Tinambakan din nila ang Cleveland, 116-82, noong Biyernes.

Bumuslo ang New Orleans ng 65.4 percent mula sa floor at nagbigay ng 38 assists sa 53 field goals.

TIMBERWOLVES 114,

BLAZERS 112

Nagbuhos si rookie Anthony Edwards ng career-high 34 points upang pangunahan ang Minnesota Timberwolves sa 114-112 panalo kontra Portland Trail Blazers.

Nagpakawala si Edwards ng anim na 3-pointers tungo sa pagbura sa kanyang naunang season- high of 28 points na naitala sa 112-104 setback ng Minnesota sa Los Angeles Lakers noong Feb. 16.

Ipinagdiwang ni Ricky Rubio ang kanyang ika- 600 career game sa pagtala ng 15 points at 7 assists para sa Timberwolves, na pinutol ang seven-game home losing skid.

CELTICS 134,

ROCKETS 107

Nagposte si Jaylen Brown ng 24 points, nagdagdag si Jayson Tatum ng 23 at rumolyo ang Boston Celtics sa 134-107 panalo laban sa host Houston Rockets.

Binura ng Celtics, nanalo ng lima sa anim na laro, ang maagang eight-point deficit sa pangunguna nina Tatum at Brown.

76ERS 134,

SPURS 99

Tumapos si Tobias Harris na may 23 points, 9 rebounds at 7 assists nang durugin ng host Philadelphia 76ers ang San Antonio Spurs, 134-99.

Nagdagdag si Seth Curry ng 21 points, habang umiskor sina Furkan Korkmaz at Danny Green ng tig-16 points para sa Sixers, na nagwagi ng limang sunod. Bumalik si Ben Simmons mula sa two-game absence dahil sa COVID-19 contact tracing at nagtala ng 14 points na may 9 assists.

Ito ang pinakamalaking margin of victory ng Sixers kontra Spurs.

HEAT 102,

MAGIC 97

Nagsalansan si Jimmy Butler ng 29 points, 9 assists, 7 rebounds at 5 steals upang pangunahan ang Miami Heat sa 102-97 panalo kontra host Orlando Magic.

Naghabol ang Orlando sa 100-97, may 22 segundo ang nalalabi. Matapos ang timeout, nagmintis ang Orlando ng dalawang beses bago gumawa si Butler ng steal at layup upang ilayo ang laro.

Napanatili ng Miami ang kanilang run bilang isa sa pinakamainit na koponan sa NBA, kung saan 10-1 ito magmula noong Feb. 18.

Pinangunahan ang Orlando, na nalasap ang ika-8 sunod na pagkabigo, ni Nikola Vucevic, na nakalikom ng 38 points, 10 rebounds at 6 assists. Gumawa siya ng 15-of-27 shots mula sa floor, kabilang ang 6-of-13 sa 3-pointers.

Sa iba pang laro, ginapi ng Atlanta Hawks ang Cleveland Cavaliers, 100-82, at dinispatsa ng Oklahoma City Thunder ang Memphis Grizzlies, 128-122.

Comments are closed.