RUMATSADA ng 36 puntos si Golden State Warriors star player Stephen Curry upang ibaon sa pagkakabigo ang Minnesota Timberwolves, 130-108, noong Lunes ng gabi.
Nakatuwang niya sina Malik Beasley na may 30 puntos at Andrew Wiggins na kumamada naman ng 23 puntos.
Ito ang unang pagkakataon na nakaharap ni Wiggins ang kanyang dating koponan matapos ang ma-trade noong Pebrero ng nakaraang taon.
Samantala, pinatunayan naman ni Curry na dapat siyang mapahanay sa listahan ng best 3-point shooter ng liga, matapos itong magpakawala ng pito sa 12 3-pointers ng Warriors upang putulin ang kanilang 3-game losing streak.
Kasalukuyang nasa ikalawang puwesto si Curry sa best 3-point shooters, kung saan naitala niya ang 2,569 puntos na lumagpas sa puntos ng
alamat na si Reggie Miller, sa likod naman ng first placer na si Ray Allen na may 2,973.
CELTICS 119,
CHICAGO 103
Matapos na mawala ng limang sunod na laro sanhi ng pagiging posistibo sa COVID-19, balik sa porma si Jayson Tatum, sa unang gabi ng kanyang pagbabalik-laro kung saan tumipa siya ng kabuuang 24 puntos nang pataubin ng Boston Celtics ang Chicago Bulls, 119-103.
Katulong ni Tatum sa pag-angat ng Celtics si Jaylen Brown na may 26 puntos, na nakakuha naman ng suporta kina Daniel Theis na may 19 puntos at Marcus Smart na may 13 puntos.
Kahit pagod at naninibago sa kanyang laro, nagawa pa rin ni Tatum na makapagbuslo ng tatlong three-pointers na may kasama pang limang assists sa loob ng 31 minutong paglalaro.
Nabalewala naman ang 30 puntos na kinamada ni Zach LaVine para sa Bulls, kabilang ang anim na 3-point shots.
NETS 98,
HEAT 85
Kumamada ng tig-20 puntos sina Kevin Durant at James Harden upang ihatid ang Brooklyn Nets sa 98-85 panalo kontra Miami Heat.
Matapos ang pananahimik sa unang tatlong quarters, kapwa nagising ang dugo ng dalawang star players ng Nets na sina Durant at Harden sa fourth quarter, habang nag-ambag naman si Kyrie Irving ng 16 puntos.
Hindi naman umubra ang 26 puntos na natipon ni Bam Adebayo para sa Heat kahit pa nga katuwang nito si Goran Dragic na may 21 puntos na
naitala.
Nagmistulang pilay ang kabuuan ng koponan ng Heat dahil hindi nakapaglaro sina Jimmy Butler at Avery Bradley dahil sa health and safety protocol issue, habang sina Tyler Herro, Meyers Leonard at Maurice Harkless naman ay nasa injury list.
PACERS 129,
RAPTORS 114
Matapos ang malamyang laro nitong nakaraan, bumawi sa kanyang koponan si Malcolm Brogdon nang magbuhos ng 36-point career high sa loob ng triple-double stats nito, nang gapiin ng Indiana Pacers and Toronto Raptors, 129-114.
Hindi lamang pumuntos si Brgadon kundi buong depensa at suporta sa kanyang mga kakampi ang kanyang ipinamalas, kung saan nakatuwang niya sina Jeremy Lamb na may 22 puntos at Myles Turner na tumipa naman ng 21 puntos.
Ito ay sa kabila ng pagkawala ni All-Star forward Domantas Sabonis na nagtamo ng injury sa tuhod sa first quarter.
Sa panig naman ng Raptors ay nagbigay ng 25 puntos si Fred VanVleet habang tumabo ng 24 puntos si Norman Powell at nag-ambag si Kyle Lowry ng ay 12 puntos.
Sa iba pang laro, pinatob ng LA Lakers ang Cleveland Cavaliers, 115-108; dinispatsa ng Denver Nuggets ang Dallas Mavericks, 117-113; ibinasura ng Detroit Pistons ang Philadelphia 76ers, 119–84; at nagwagi ang Orlando Magic kontra Charlotte Hornets, 117-108.
Comments are closed.