WARRIORS SINIMULAN ANG TITLE DEFENSE SA PANALO VS LAKERS

TUMUGON ang Golden State Warriors sa ika-4 na championship-ring ceremony sa nakalipas na walong taon sa pamamagitan ng isang performance na inaasahan nilang magdadala sa kanila sa ika-5, sumandal sa game-high 33 points ni Stephen Curry para sa 123-109 panalo kontra bisitang Los Angeles Lakers sa Opening Night sa NBA nitong Martes.

Nag-ambag si Andrew Wiggins ng 20 points at kumubra si Klay Thompson ng 18 para sa Warriors, sinimulan ang kanilang championship season noong nakaraang taon sa road win laban sa Lakers, na unti-unting lumayo sa huling tatlong quarters.

Nagbuhos si LeBron James ng team-high 31 points, tumapos si Anthony Davis na may 27 at nakalikom si Russell Westbrook ng 19 para sa Lakers, subalit hindi ito sapat para mapigilan ang ika-6 na sunod na pagkatalo sa Opening Night.

Nalimitahan sa 25 points sa first quarter, ang Warriors ay nagbuhos ng 34, 32 at 32 sa huling tatlong periods, bumuslo ng 45.5 overall at na-outscore ang Lakers, 48-30, sa 3-pointers.

Nagpasabog si Curry ng apat na tres sa 13 attempts at nagsalpak si Wiggins ng apat pa sa anim na pagtatangka, upang pangunahan ang pag-atake ng Golden State na may pitong players na kumana ng 3-pointers.

Nagtala rin si Curry ng 6 rebounds, 7 assists, at 4 steals.

Si Jordan Poole ang ika-4 na Warrior sa double figures na may 12 points mula sa bench at nagbigay rin ng 7 assists.

Kinumpleto nina James, may 14rebounds, at Westbrook, may 11boards, ang double-doubles para sa Lakers. Kinapos si James sa triple-double ng 2 assists, matapos na magtala ng game-high eight.

Nagdagdag si Kendrick Nunn ng 13 points mula sa bench para sa Lakers.

Boston 126, 76ers 117

Umiskor sina Jayson Tatum at Jaylen Brown ng tig- 35 points at lumayo ang Boston Celtics sa second half upang gapiin ang bisitang Philadelphia 76ers sa unang laro ng NBA season.