SASAMAHAN ng Philippine women’s handball team na gumawa ng kasaysayan kamakailan, ang mga opisyal ng nalalapit na Little League Philippine Series sa lingguhang talakayan sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex ngayong Martes.
Tatalakayin ni national women’s team coach Jana Franquelli at ng mga miyembro ng koponan na nag-qualify sa World Beach Handball Championships sa susunod na taon ang kanilang mga paghahanda para sa meet at babalikan ang kanilang silver medal finish sa 9th Asian Beach Handball Championship na nagbigay sa koponan ng puwesto sa world tilt.
Samantala, ang ikalawang bahagi ng public sports program ay tatampukan ng Philippine Series na nakatakda sa April 9-16 sa City of Ilagan, kung saan ang mga mananalong koponan ay magkukuwalipika sa Asia-Pacific Games sa Japan.
Pangungunahan ni Little League Philippines Inc. District Administrator Michael Zialcita ang iba pang mga opisyal ng organisasyon na tatalakay sa week-long event.
Ang 10 a.m. session ay naka-livestream via PSA Facebook page fb.com/PhilippineSportswritersAssociation at mapakikinggan sa delayed basis sa Radyo Pilipinas 2, na isini-share din ito sa kanilang official Facebook page.