11TH WIN SASAKMALIN NG LIONS

NCAA-3

Mga laro ngayon:

(Filoil Flying V Centre, San Juan)

10 a.m.- Letran vs San Beda (jrs)

12 nn.- CSB vs SSCR (jrs)

2 p.m.- Letran vs San Beda (srs)

4 p.m.- CSB vs SSCR (srs)

BUBUHAYIN ng San Beda at Letran ang isa sa pinakamalupit na rivalry sa collegiate basketball kung saan target ng una na mapahigpit ang kapit sa No. 2 spot habang patuloy na huhugot ng inspirasyon ang huli mula sa may sakit na teammate na si Jerrick Balanza sa 94th NCAA basketball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Liyamado ang Red Lions sa kanilang 2 p.m. showdown makaraang makopo ang top two na may 10-1 kartada sa likod ng Lyceum of the Philippines University Pirates (11-0), at ta­lunin ang Knights, 80-76, sa overtime noong Agosto 10.

Sina Robert Bolick at Donald Tankoua ang naging instrumento sa first round win ng San Beda laban sa Letran, habang nag-ambag din ng kabayanihan si AC Soberano nang maisalpak ang pares ng three-pointers sa OT.

“We expect it to be tougher for us because we know Letran is a strong team and is always a contender,” pahayag ni San Beda coach Boyet Fernandez.

Sisikapin naman ng Letran na masundan ang 99-82 panalo nito laban sa Arellano U noong Huwebes na kanilang inialay kay Balanza, na sumailalim kamakailan sa surgery upang tanggalin ang tumor sa kanyang utak.

“We will dedicate all our re­maining games to Jerrick,” wika ni Napa.

Samantala, makakasagupa naman ng CSB ang San Sebastian sa alas-4 ng hapon.

Yumuko ang Blazers sa Stags sa kanilang  first-round duel subalit pinawalang-bisa ito ng liga makaraang mabuking ang paglalaro ni RK Ilagan ng San Sebastian sa ibang liga.

Comments are closed.