2 MILITIA NG BAYAN NAKUMBINSI SA BALIK-LOOB PROGRAM NI PDU30

NPA

CAGAYAN – BUNSOD ng pa­tuloy na programa ni Pangulong Rodrigo Duterte na Balik-Loob ng mga nagnanais maging normal ang buhay, dalawang rebelde ang sumuko sa Rizal at Sto Niño noong Linggo.

Ayon kay P/Capt. Sharon Malillin, tagapagsalita ng PNP-Cagayan, sumuko si alyas Baylon, 27-anyos sa Rizal Police station, at isang senior citizen na 67-anyos naman ang sumuko sa pulisya sa Sto. Niño.

Batay sa salaysay ng sumuko, lagi aniyang nagtutungo ang mga rebelde sa kanilang lugar at habang nagtatanim ng mga gulay sa hindi malamang dahilan ay nakumbinsi siya umanong sumali sa kanilang hanay.

Samantala, isinawalat naman ng sumukong residente ng bayan ng Rizal, Cagayan, na mula pa umano noong 2002 ay naging miyembro na siya ng New People’s Army (NPA).

Naengganyo umanong sumuko ang dalawa bunsod ng mga isinasagawang community based program ng mga opisyal ng gobyerno na nag-tutungo sa kanilang hanay sa mga liblib na lugar upang iparating sa kanila ang magandang layunin ng Duterte government para sa mga nalilihis ng landas.

Sa kasalukuyan ay sinabi ni Malillin na nasa kustodiya pa rin ng pulisya ang dalawa habang pinoproseso ang dokumento ng mga ito para sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP). IRENE GONZALES

Comments are closed.