ABRA – INAMIN ni Police Brigadier Gen. Israel Ephraim Dickson, Regional Director ng Cordillera-PNP na nagsanib ang guns for hire at illegal drug trade.
Katunayan nito ang pagkapatay ng tatlong lalaki ay resulta ng anti-illegal drug operation ng kaniyang mga tauhan.
Ayon kay Dickson, patuloy pa rin nilang pinag-aaralan ang insidente habang napatunayang gumagamit din ang drug syndicate ng guns-for-hire.
Naganap ang operasyon noong Hulyo 11 sa isang checkpoint sa bayan ng Bangued kung saan sa halip magpasiyasat ang tatlong lalaki ay nagpahabol at nakipagbarilan ang mga ito sa pulis.
Narekober sa mga napatay na kalalakihan ang mga larawan ng isang police lieutenant at isang nagngangalang ‘Clarence Valera’ na pinaniniwalaang target ng mga ito.
Narekober pa sa mga ito ang tatlong baril, mga magazine at mga bala bukod pa sa pitong pakete ng pinaniniwalaang shabu.
Dahil dito, inudyukan ni Dickson ang provincial at municipal peace and order councils at anti-drug abuse councils ng Abra para sa kanilang pagpupulong sa lalong madaling panahon.
Hiniling din nito ang pagtupad ng provincial director at lahat ng chiefs of police sa kanilang mandato bilang vice-chairpersons ng kani-kanilang provincial at municipal peace and order councils at anti-drug abuse council. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.