KASUNOD ng pagpapatupad ng iba’t ibang mga hakbang kabilang ang pagbuhos ng suplay at pagtitiyak sa murang presyo ng mga produktong pagkain, pagsupil sa mga mapagsamantalang negosyante o trader gayundin ang mahigpit na pagbabantay ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), magagawa pa rin na maabot ng Filipinas ang 4% inflation rate sa bahagi ng taong 2019.
Ito ang sinabi ni House Committee on Economic Affairs Vice Chairman at 2nd Dist. Albay Rep. Joey Sarte Salceda kasabay ng paglalatag din niya ng mga panukala para masolusyunan ang pumalo sa 6.7% na inflation rate ng bansa nitong nakaraang buwan ng Setyembre.
Bagama’t umano hindi maganda ang mensahe ng nasabing inflation rate hike, maaari namang ito na ang pinakamataas na maitatala at sa mga susunod na buwan ay pababa na ito.
“A glimmer of hope – core inflation (non-food) actually decelerated from 4.8% to 4.7% in September while inflation in the rest of Asean are actually starting to fall. Barring any deterioration in external factors and delays in implementing reforms, we see this to be the peak of this inflation cycle given anecdotal evidence from real good markets,” ani Salceda.
Bunsod dito, sinabi ng mambabatas na bagama’t hindi na maaaring maabot ng administrasyong Duterte na 2% hanggang 4% na inflation target, mas mabuting itakda na lamang umano sa 4% hanggang 5% ang nais nitong maabot na inflation rate at naniniwala siyang sa pagtatapos ng taong 2019 ay magagawang magkaroon ng bansa ng 4% inflation rate.
Sa kanyang report kay Speaker Gloria Arroyo, inisa-isa ni Salceda ang mga aksiyon na kailangang gawin ng pamahalaan para hindi na sumipa ang halaga ng mga bilihin at serbisyo sa kanyang inirerekomendang ‘short term’ at ‘medium term inflation countermeasures’. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.