4 POGO WORKERS TIMBOG SA PANGGUGULO AT SHABU

ARESTADO ng mga operatiba ng Intelligence Section ng Pasay City Police Station (CPS) ang apat na Chinese national matapos manggulo at mahulihan ng shabu nitong Miyerkules sa nasabing lungsod.

Kinilala ni Pasay City police chief Col. Byron Tabernilla ang apat na Chinese national na sina Mai Jiang Wei, 40-anyos; Li Peng, 32-anyos; Liu Fei, 41-anyos; at Deng Lei, 29-anyos, pawang mga empleyado ng POGO at naninirahan sa Island Cove, Kawit, Cavite.

Base sa ulat na isinumite kay Tabernilla, nadakip ang apat na suspek dakong alas-2:45 ng madaling araw sa HK Sun Plaza, Roxas Boulevard, Pasay City.

Ayon kay Tabernilla, nang mga oras na iyon ay nagsasagawa ng surveillance operation ang mga operatiba ng Intel bunsod sa impormasyon na kanilang natanggap sa mga nagaganap na insidente ng robbery/snatching sa HK Sun Plaza nang mamataan ng mga operatiba ang apat na Chinese national na nagtatalo-talo at nagsisigawan na parang may pinagtatalunan.

Dahil hindi nakauniporme ang mga operatiba, hindi sila nakilala ng mga suspek nang lapitan at magpakilala ay nagulat ang mga ito na pulis na pala ang kanilang kaharap.

Sa patuloy na pagbeberipika sa mga Chinese national ay nakumpiskahan ang mga ito ng dalawang sachets ng shabu na nagresulta ng kanilang pagkakaaresto.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11 Art. 2 ng R.A. 9165 at alarm and scandal ang mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay CPS.

MARIVIC FERNANDEZ