Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 pm- NorthPort vs Meralco
7 pm- San Miguel vs NLEX
PUNTIRYA ng defending champion San Miguel Beer ang ika-5 panalo at solo third place sa pakikipagtipan sa NLEX sa PBA Philippine Cup ngayon sa Araneta Coliseum.
Sasagupain ng Beermen ang Road Warriors sa alas-7 ng gabi matapos ang bakbakan ng NorthPort at Meralco sa alas-4:30 ng hapon.
Liyamado ang SMB laban sa NLEX dahil malalim ang bench nito, sa pangunguna ng twin towers nina five-time MVP June Mar Fajardo at Filipino-German at kapwa FIBA World Cup campaigner Christian Standhardinger na gaganap ng malaking papel kapwa sa opensa at depensa.
Dahil sa taas at laki ng kanilang katawan, tiyak na mahihirapan ang Road Warriors na pigilan sina Fajardo at Standhardinger sa low post.
Makakatuwang nina Fajardo at Standhardinger sina Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Arwind Santos, Chris Ross, Kelly Nabong at Paul Zamar sa opensiba.
Sa kabila na pinapaboran ay ayaw namang magkumpiyansa ni SMB coach Leo Austria at muli niyang pinaalahanan ang kanyang tropa na huwag mag-relax at laging naka-focus sa laro upang masiguro ang panalo at patatagin ang title retention bid.
Naniniwala si Austria na may kakayahan ang NLEX na manalo at malaki ang respeto niya kay coach Yeng Guiao bilang magaling na bench tacti-cian.
“Coach Yeng is a certified champion coach and a known motivator. You have to utilize all your coaching experience against him,” sabi ni Austria.
Magugunitang binigyan ni Guiao ng PBA titles ang Swift at Rain or Shine at kamakailan ay ginabayan ang Gilas para makapasok sa FIBA World Cup.
Sasandal si Guiao sa kanyang mga kamador na sina Kevin Alas, Larry Fonacier, JR Quinahan, John Paul Erram, Philip Panyamongan at Raul Soyud, at Kevin Ighalo. CLYDE MARIANO
Comments are closed.