ACUTE APPENDICITIS BILANG ISANG SURGICAL EMERGENCY

DOC ZACATE-ZACATERBANG PAYO.jpg

ANG SAKIT ng tiyan ay hindi binabalewala, sapagkat bukod sa isang problemang medical, minsan maaari itong sanhi ng isang surgical, ang ibig sabihin ay isang operasyon ang tanging lunas.

Ano nga ba ang sakit na Acute Appendicitis, at paano malalaman kung mayroon ka nito?

Ang sakit na ito ay related sa lokasyon, haba at sukat ng ating Appendix. Ang normal na position ng ating appendix ay sa kanan at babang bahagi sa loob ng ating tiyan. Ang haba nito ay maaring sumukat ng 9 cm on average at maaari namang mag-range ng 5 to 35 cm sa ibang tao, importante ang sukat at lokasyon ng appendix sa manifestation at sintomas ng sakit na ito.

Babae man o lalaki, bata man o matanda ay maaaring tamaan ng sakit na ito, at maaari itong sumumpong ano mang oras. Ang appendix ayon sa pagsasaliksik ay naglalaman ng “lymphoid tissue” na siya ring rason ng ­ating normal na panlaban sa sakit. Ngunit ito pa rin ayon sa mga expert ay maaaring maituring na “vestigial organ” at hindi pa alam ang actual na function ng organ na ito.

Ang karaniwang senyales at sintomas ng sakit na Acute Appendicitis ay kawalan ng ganang kumain, pagsusuka, pagtatae sa ibang tao, constipation at mababang lagnat. Ang pinakaimportanteng sintomas ng Acute Appendicitis ay ang pananakit ng tiyan, sapagkat ito ay ang maaring maging clue ng isang doctor para mai-rule-out ang ibang sakit bago mapunta sa diagnosis ng Acute Appendicitis.

Ang sakit ng tiyan ng Acute Appendicitis ay biglaan at mararamdaman sa ating epigastric area (itaas na bahagi ng tiyan) o periumbilical area (sa paligid ng pusod ng tiyan o gitnang bahagi ng tiyan), ito ay lumilipat sa kanan-babang bahagi ng ating tiyan at ang ganitong sakit ng tiyan ay ang tinatawag na “Classic Sign” ng Acute Appendicitis.

Ang pain na nabanggit ay steady at grabe. Sa mga panahong nagkaroon ng mga senyales at sintomas na ito, napakaimportante na masilip ng isang doctor na surgeon, dahil kapag hindi na-detect ng maaga at maoperahan maaring mapunta sa komplikas­yon.

Isa sa mga kom­plikasyon ng sakit na Acute Appendicitis kapag hindi naoperahan ng maaga ay ang Ruptured Appendicitis o pagputok ng ating appendix. Ito ay dulot ng sobrang pres­yon sa loob ng appendix dahil sa pamamaga. Sa pagputok na ito, ang mga dumi sa loob ng appendix at ang bacteria na namuo dahil sa pamamaga ay kumakalat sa loob ng ating tiyan. Ang pagkalat na ito ay maaaring magdulot ng pamamaga at impeksiyon sa mga malalapit na organs at pati na rin ng body wall na kalaunan ay nagi­ging resulta ng “peritonitis”. Ang impeksyon ay maaaring mapunta sa ating dugo at kumalat sa buong katawan na nagdudulot ng “sepsis” at kalaunan ay napupunta sa septic shock na maaaring ikamatay ng isang tao.

Ang sakit na Acute Appendicitis ay maa­aring ma-diagnose ng isang doctor base sa history, physical examination, tindi ng pananakit ng tiyan at iba pang mga senyales. Ang mga laboratory technique ay maaaring maituring na adjunct or supportive lamang upang mapagpatibay ang posibilidad ng sakit na ito, at ma-rule out naman ang ibang sakit na may katulad ng senyales at sintomas ng sakit na Acute Appendicitis. Ilan sa mga laboratoryo na maaaring ipagawa ng isang doctor ay Complete Blood Count, Urinalysis, Ultrasound at Pregnancy test (para ma-rule out ang Ectopic Pregnancy sa isang Babae), at Fecalysis.

Ang pinakagamot sa sakit na Acute Appendicitis ay operasyon na ginagawa ng isang surgeon na bihasa sa technique ng operation na ito.

Ang sakit ng tiyan ay hindi maaaring balewalain, kaya napakai­nam na magpakonsulta sa isang doctor kung magkaroon man ng mga sintomas at senyales na nabanggit.  Walang alternatibong gamot o herbal na medication ang maaaring makagamot ng sakit na ito.

Kung mayroong katanungan maaari pong mag-email sa [email protected] o i-like ang fan page na medicus et legem sa Facebook.

Comments are closed.