APRIL INFLATION BUMILIS SA 4.9%

BSP

INIULAT ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang inflation rate na 4.9% para sa Abril, ang pinakamabilis sa loob ng mahigit tatlong taon.

Ang April inflation ang pinakamabilis magmula nang maitala ang 5.2% noong December 2018. Ito ang unang pagkakataon na lumagpas ang inflation sa 2-4% target band ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa taon.

Ang rate noong nakaraang buwan ay nagtulak din sa average inflation para sa 2022 sa 3.7%.

“Food and non-alcoholic beverages topped the sources of quicker inflation last month, with vegetables, meat and fish leading the increase for this commodity basket,” ayon sa BSP.

Pumangalawa ang transport, sa likod ng mas mabilis na inflation rates para sa diesel, gasolina at sea passenger transport sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo

Ayon pa sa PSA, ang housing, water, electricity, gas at iba pang  fuels ay kabilang din sa pangunahing dahilan ng pagbilis ng inflation noong Abril.

Bumilis ang inflation sa National Capital Region nitong Abril sa 4.4% mula 3.4% noong Marso.  Ang mga lugar sa labas ng NCR ay nagtala rin ng mas mabilis na pagtaas — mula 4.1% noong Marso sa 5.1% nitong Abril.